Abante Tonite Interactive

Senior High sinaksak sa brigada eskwela

670

Kritikal ang isang Grade 12 student matapos itong saksakin ng nagrarambulang grupo habang isinasagawa ang ‘Brigada Eskwela’ sa public school sa Caloocan City kamakalawa nang gabi.

Nakaratay ngayon sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang 17-anyos na biktima dahil sa saksak sa ulo at katawan.

Nadakip naman at nasa panga­ngalaga na ng Caloocan City Police ang suspek na nakilala lamang sa alyas Jay, 17-anyos.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-2:30 ng hapon nang mangyari ang kaguluhan sa Tala High School, Brgy. San Isidro, Tala, Caloocan City.

Nabatid na nakilahok ang grupo ng biktima sa programa ng DepEd na Brigada Eskwela gayundin ang grupo ng suspek.

Makalipas ang ilang sandali, nagkaroon ng argumento ang dalawang grupo na nauwi sa rambol, na naging sanhi upang saksakin ang biktima.

Matapos ang insidente ay kaagad na nagpulasan ang grupo ng biktima at grupo ng suspek at dito na nasakote si ‘alyas Jay’ at ang biktima naman ay mabilis na dinala ng rescue team sa nasabing ospital.

Iniimbestigahan pa ng barangay ang pinagmulan ng rambulan at kung sino ang nagsimula at ang iba pang mga sangkot. (Orlan Linde)