Abante Tonite Interactive

Senior pension ‘di lang dapat sa purdoy

0 278

Dati nang nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi lahat ng senior citizen ay tatanggap ng pensyon mula sa gobyerno.

Kabilang lang sa mga mapalad na benepisyaryo ng pensyon mula sa DSWD na nagkakalahaga ng P6,000 kada taon ay mga mahina, sakitin at may diperensiya sa pangangatawan.

Siyempre ay saklaw rin iyong mga hindi tumatanggap ng anumang pensyon sa gobyerno at walang permanenteng pinagkakakitaan para tustusan ang pangunahing mga pangangailangan sa buhay.

Malinaw ito sa inilabas na panuntunan ng DSWD sa kanilang ipinatutupad na Social Pension for Indigent Senior Citizens prog­ram.

Naglabas ng paglilinaw ang DSWD dahil sa idinulot na kalituhan ng benepisyong ito sa mga may edad nating mga kababayan.

Nauunawaan natin ang DSWD sa kanilang hakbang. Marapat naman talagang maglatag ng panuntunan upang hindi maabuso ang ganitong benepisyo.

Ang sa akin lang ay siguraduhin ng DSWD na tunay na mga benepisyaryo at pasado sa umiiral na panuntunan ang mga kasalukuyang senior na tumatanggap ng pensyon na sa ating balita ay pla­nong doblehin dahil sa inihaing panukala ni Senador Sonny Angara.

Alinsunod ito sa inihaing Senate Bill 133 ni Sen. Sonny na nag­lalayong amyendahan ang Expanded Senior Citizen’s Act of 2010.

Well, bilang isang nagmamalasakit na opisyal ng gobyerno, nais ng senador na dagdagan ang pension ng mga senior citizen at gawing P12,000 kada taon.

Hindi lang ‘yan, hangad din ni Angara na palawakin ang coverage ng panukala kung saan ang lahat ng mga lolo’t lola na hindi nakakatanggap ng pensyon ay makikinabang.

Saludo tayo sa layuning ito ni Sen. Angara, hindi naman kasi porke galing sa nakaaangat na pamilya ay sinasagot na ng mga miyembro ng pamilya ang pangangailangan ng isang senior citizen.

May mga panahong nakakaligtaan din ng ilang kaanak ang pa­ngangailangan ng senior, kaya mainam na may suporta ito mula sa gobyerno.