Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sentro de grabidad

0 81

Pinakita ng pinakahuling Pulse Asia survey (na sumaklaw sa panahong June 7-16, 2021) na, 11 buwan bago sumapit ang pambansang halalan, si Davao City Mayor Sara Duterte ang nangungunang kandidato sa pagkapangulo (na pinili ng 28%). Malaki ang agwat ng kanyang lamang sa pumapangalawang grupo nina Manila Mayor Isko Moreno (14%), Bongbong Marcos (13%), at Sen. Grace Poe (10%). Nasa ikatlong grupo naman sina Sen. Manny Pacquiao (8%), Bise-Presidente Leni Robredo (6%), at Sen. Ping Lacson (4%).

Samantala, nanguna si Pang. Duterte sa posisyon ng bise-presidente (18%), bagaman hindi nalalayo si Moreno (14%). Nasa susunod na grupo sina Sen. Tito Sotto (10%), Marcos (10%), Pacquiao (9%), Cong. Alan Peter Cayetano (8%), at Sorsogon Gov. Francis Escudero (7%).

May labing-isang buwan pa bago mag-eleksyon, marami pang maaaring magbago. Wala ni isa sa mga pangalang nagbanggit ang tiyak na nagdeklara na ng pagtakbo para sa mga naturang posisyon, bagaman may mga inilunsad nang mga kilusan para sa pagtakbo ng ilan (“Run, Sara, Run” at “Team Leni Robredo”). Halimbawa, may pagtingin na maaaring mabawasan ang lamang ni Sara kung magdeklara na ang kanyang mga karibal. Gayunman, may ilang punto na maaaring mahugot mula sa resulta ng survey na ito at kaugnay na mga kaganapan sa larangan ng politika.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Una, sa punto de bista ng naghaharing pangkating Duterte, mula kay Pang. Duterte mismo, kanyang pinakamalapit na sirkulo ng mga tinyente at alipores, hanggang sa mga partidong bumubuo ng naghaharing koalisyon, nakasalalay kay Sara, bilang pambato na may pinakamataas na rating sa survey, ang kanilang pagpapanatili sa poder nang isa pang termino pagkatapos ng Hunyo 2022. Batid ng matandang Duterte na kailangang manalo ang kanyang kandidato upang matiyak na hindi siya hihimas ng malamig na rehas sa pagtapos ng kanyang termino, sampu ng kanyang mga kasapakat na tiyak na haharap sa mga kaso ng krimen laban sa pagkatao, pandarambong, at iba pa. Kung gayon, wala silang ibang maaaring piliin kundi si Sara bilang pambato. Pamumustura lamang ang pagpapalutang ng iba pang mga pangalan para sa posisyon ng presidente – laluna kay Sen. Bong Go, na nangungulelat sa survey.

Katulad ng ibang Pangulo sa huling taon ng kanyang termino, mararanasan din ni Duterte ang kanyang “lameduck phase.” Habang papalapit ang eleksyon, lilipat ang sentro de grabidad na iniinugan ng mga kroni, alyado, at alipores mula sa ama patungo sa anak. Kung sakaling magwagi bilang pangulo si Sara sa 2022, bukod sa garantiya ng proteksyon kontra sa kaso at kulong, anong kapangyarihan ang ipapahintulot niya sa ama, maging bise-presidente man si Digong o hindi? Saan pupulutin sina Bong Go, Sal Panelo, Harry Roque, at mga katulad nilang nakadepende sa poder ni Tatay D? Walang duda na yan ang nasa likod ng mga sigalot at maniobra sa loob ng kampong Duterte.

Leave A Reply

Your email address will not be published.