Abante Tonite Interactive

Serena nagtapos ng kolehiyo sa London

993

Ni: Aster A. Amoyo

Kumusta na kaya ngayon ang dating childstar na si Serena Darlymple? Una siyang nakilala sa hit TV commercial ng Jollibee na “Isa pa ngang Chicken Joy!” in 1997. Pinagsamahan nila ito ng aktor na si Aga Muhlach. Ang nasabing TV commercial ng kilalang food chain ang kanyang naging pasaporte sa kanyang pagpasok sa showbiz.

Bata pa si Serena nang maging ulila sa kanilang mga magulang. Meron siyang dalawang kapatid na sina Samantha at Sarah.

Tumayo nilang guardian ang kanilang maternal uncle na siyang gumabay sa kanilang magkakapatid hanggang sa kanilang paglaki.

Dating U.S. military officer ang ama ni Serena na si Robert Lloyd Dalrymple at Filipina naman ang kanyang inang si Wilma Billones.

Nagtapos ng elementary at high school si Serena sa O.B. Montessori Center sa Las Piñas. Nagpatuloy siya sa kolehiyo sa De La Salle College of Saint Benilde na nagtapos ng Export Management. Nagtapos naman siya ng kanyang Masters in Business Administration in Hulk University Business School sa London.

Taong 1998 nang pasukin ni Serena ang showbiz sa pamamagitan ng mga comedy movies tulad ng “Haba-baba-doo…” “Tong Tatay Kong Pakitong-Kitong,” “Type Kita, Walang Kokontra,” “Tik Tak Toys My Kolokotoys” at ang pelikulang nagbigay sa kanyang ng grand-slam Best Supporting Actress para sa pelikulang “Bata, Bata…Paano Ka Ginawa.”

Ang nasabing pelikula ang nagpapanalo kay Serena nu’ng 1999 bilang Best Performer mula sa Young Critics Circle, Best Supporting Actress sa FAP, Best New Actress mula sa PMPC Star Awards for Movies, Best Supporting Actress mula sa Gawad Urian at maging sa FAMAS. Ang nasabing pelikula rin ang nagpatatag kay Serena bilang isang mahusay na batang actress.

Taong 2001 naman nang magsimula siyang gumawa ng mga teleserye sa pamamagitan ng “Sa Dulo ng Walang Hanggan,” “Sana’y Wala Nang Wakas,” “Wansapanataym” at iba pa.

It was in 2004 nang magdesisyon siyang huminto sa kanyang showbiz career para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa London. Pero bumalik siya nu’ng taong 2008 para gawin ang pelikulang “Ang Tanging Ina Ninyong Lahat” na pinagbidahan ni Ai Ai delas Alas. Muli siyang bumalik in 2010 para naman gawin ang “Ang Tanging Ina Mo (Last Na ‘To”) na pinangunahan pa rin ni Ai Ai.

Nagtrabaho sa home studio ng Nickelodeon, Time Warner

Pagkatapos nito ay muli siyang bumalik ng Amerika para magtrabaho.

Halos related din sa showbiz ang naging work niya sa Amerika.

Una siyang nagtrabaho sa Paramount Pictures sa Hollywood, Los Angeles, California, USA.

Pagkatapos ay lumipat siya ng VIACOM-CBS International Media Network na naka-base sa New York City, USA na tumatayo bilang isa sa mga manager. Ang kompanyang kinabibilangan ngayon ng dating child star ay siyang home studio ng Nickelodeon at Time Warner.

Foreigner ang dyowa

May boyfriend na rin ngayon ang dating batang actress na isang foreigner at nakabase sa Big Apple.

Tinalikuran man ni Serena ang kanyang buhay sa showbiz sa ‘Pinas, maganda naman ang takbo ng kanyang karera ngayon sa pribadong sektor sa Amerika.

Doon na rin nakabase ang dalawa pa niyang mga kapatid although nasa magkakahiwalay silang lugar.