Abante Tonite Interactive

Sereno ayaw patulan ng Palasyo

By
1,216

Walang balak ang Malacañang na patulan ang mga patutsada ni ousted chief justice Maria Lourdes Sereno laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng pa­nawagan ni Sereno na totohanin ng Pangulo ang mga pahayag nito na magbibitiw sa puwesto kapag naiipit sa isang isyu, tulad ng ginawang pagpapatalsik sa kanya sa Korte ­Suprema.

Sinabi ni Presidential Spokesman ­Harry Roque, ayaw na niyang magkomento pa patungkol kay Sereno, gaya ng pagtanggi ni Pangulong Duterte na magsalita sa na­ging kapalaran ng dating punong ma­histrado.

Ayon kay Roque, hahayaan na lamang ng Palasyo na manahimik si Sereno bilang pribadong mamamayan.

“Well, ako po ay ayaw ko na po magkomento diyan at tingin ko po ang Presidente ayaw na ring magkomento dahil kahapon tinanong niyo naman siya sa ambush interview niyo tungkol kay Chief Justice Sereno, ‘di naman po siya nagkomento.

“Hayaan na po natin siya at hayaan na na­ting siyang manahimik bilang pribadong indibidwal,” ani Roque.

Si Sereno ay nagsalita sa forum ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Pasig City kung saan binanatan si Pangulong Duterte na siyang may kamay sa pagpapatalsik sa kanya.
Iginiit ni Roque na nagsalita na ang Pa­ngulo at iginiit na hindi siya nakikialam sa trabaho ng mga ma­histrado.