Abante Tonite Interactive

Sereno, ibinaon sa sikretong liham at pinekeng NBI clearance

By
3,913

Inihayag ng dalawang mahistrado ng Supreme Court (SC) na dapat ay nadiskuwalipika si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa posisyon nito dala ng kabiguan na makapagsumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa Judicial and Bar Council (JBC).

Sa impeachment hearing ng House Committee on Justice kahapon, sinabi nina Senior Associate Justices Diosdado Peralta at Teresita Leonardo-de Castro, na hindi sila naimpormahan sa paghahain ng SALN ni Sereno sa loob ng nakalipas na 10 taon na bahagi ng rekisitos para sa lahat ng mga kandidato sa posisyon ng punong mahistrado.

Si Peralta ang namuno sa JBC proceedings para sa lahat ng nominado sa posisyon na binakante ng napatalsik na si dating chief justice Renato Corona.

Sa liham ni Sereno noong Hulyo 20, 2012 ay hinihirit umano nito na i-exempt na siya sa pagsusumite ng SALN sa council en banc.

Binanggit ni Peralta na kung nalaman niya ang nilalaman ng liham ni Sereno ay siguradong tututulan niya ang pagluklok dito bilang chief justice.

Malinaw aniya na pagsuway sa panuntunan ang hindi pagsusumite ng SALN sa JBC.

Samantala, inakusahan ni Peralta si Sereno ng pang-iimpluwensiya sa JBC para mamanipula ang application ng kanyang misis na si Court of Appeals (CA) Associate Justice Fernanda Lampas-Peralta para sa posisyon ng Presiding Justice ng CA dahilan lamang sa hindi validated na clearance ng National Bureau of Investigation (NBI) at health examination documents.

“My wife from the very beginning, she was already excluded because of the manipulation your honor. I call it manipulation because the documents will show clearly that they manipulated the application of my wife so she would not be included in the short list for presiding justice,” ayon kay Peralta.