Abante Tonite Interactive

Sereno nagkalat, sinupalpal ng kabaro sa convention

By ,
1,783

Habang tinatalakay ang impeachment complaint sa Kamara, kung saan pinagbotohan ang probable cause sa reklamo, humarap si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa 23rd National Convention ng Philippine Women Judges Association (PWJA) sa Manila Hotel.

Inasahan na ang ‘fireworks’ sa pagtitipon dahil dumalo din si Associate Justice Teresita De Castro na presidente ng PWJA.

Sa naging talumpati, hayagang inakusahan ni Sereno ang House Justice Committee ng pagkakait sa kanyang karapatan na komprontahin at ma-cross examine ang mga testigo at resource person na sumalang sa hearing.

Ayon kay Sereno, patunay ito ng hindi patas na pagtrato sa kanya ng mga miyembro ng komite.

Dagdag pa niya, matapos ang 15-pagdinig ng komite, bigo ang mga mambabatas na maglabas ng matitibay na ebidensya na maaaring magdiin sa kanya sa Senado sakaling iakyat na ang Articles of Impeachment.

Sinimulan aniya ng kanyang mga kritiko ang laban subalit ayaw namang tapusin ng mga ito.

Hindi naman naka­pagpigil si De Castro dahil matapos ang talum­pati ni Sereno, lumapit si De Castro sa mikropono at humingi ng paumanhin sa ginawa ni Sereno.

Nakalulungkot aniya na sinamantala ni Sereno ang pagkakataon sa kanyang talumpati na talakayin ang mga bagay na maaaring maging pag­laba­g sa sub judice rule.

“I sincerely hope that she should not have dealt with a matter that is pending with the court,” pasaring ni de Castro.

Nabatid na dumalo din sa nasabing event sina Senior Associate Justic­e Antonio Carpio na siya ngayong acting chief justice, Associate Justice­s Presbiterio Velasco Jr., Mariano Del Castillo, Samuel Martires, Noel Tijam, Diosdado Peralta at Estela Perlas Bernabe.