Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Serye ng vaccine rollout simulation sa Maynila

0 156

Nitong nakaraang linggo, ang inyong lingkod kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna at mga kapwa opisyal ng lungsod, sa pangunguna ng mga director ng mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang-lokal, ay nagsagawa ng simulation exercise ng pagbabakuna bilang paghahanda sa pagdating ng mga COVID vaccine sa bansa.

Ang simulation na aming ginawa sa Universidad de Manila (UdM) ay una lamang sa serye ng mga dry-run at na ang layon ay matukoy ang mga posibleng maging problema sa planong pagbabakuna ng lungsod.

Sinubukan namin mismo ang bawat isang proseso na mangyayari kapag available na ang bakuna at ito ay ibibigay na sa mga interesado nang libre.

Sa pamamagitan ng nasabing simulation, nais naming malaman ang mga eksaktong hakbang na dapat gawin upang maayos at mabilis na maipamahagi ang mga bakuna, gayundin ang mga problema o sabit o mga pangyayari na maaring maganap sa gitna ng proseso at kung paanong ang mga lilitaw na problema ay agad na mabibigyan ng solusyon sakaling dumating.

Interesado din kaming malaman ang ibang posibleng pangyayari na maaring lumikha ng anumang delay o pagkakaantala at maling paghawak sa mga produkto na gagamitin at paano lapatan ng episyente at mabilis na lunas ang bawat problema.

Nais din naming malaman kung gaano ka-epektibo ang technology na aming ginagamit, partikular na ang manilacovid19vaccine.com, kung paano ito magagamit nang husto ng isang pre-registered na tao at gayundun ang mga hamon na dala kapag ang isang indibidwal ay hindi nakapag-rehistro para sa vaccination program.

Ang aming ‘goal’ ay matapos ang pagbakuna sa bawat isa sa loob lamang ng limang minute para sa mga pre-registered. Siyempre pa, ang buong proseso naman para sa mga walk-in individuals ay inaasahan nang mas tatagal dahil ang mga nakatalaga na mag-proseso sa kanila ay kakailanganin pang kunin ang lahat ng kinakailangang impormasyon upang maipasok ito sa registration system.

Ang pagkuha ng mga detalye ay para sa pagpapalabas ng ID o ‘passport’ na maaring iprisinta ng mga nagpa-bakuna sa mga sitwasyon kung saan sila ay kailangang magpakita ng pruweba na bakunado na sila.

Ang real-time processes ay magpapakita kung sino ang nagbakuna, ang lot number at brand ng bakunang ginamit at kung ang may hawak ng ID ay nabakunahan na nang kumpleto.

May hiwalay na counter para sa mga pre-registered at para sa mga hindi rehistrado. Ang unang hakbang ay para sa screening process kung saan sasailalim ang residente sa masusing pagsusuri ng kanyang vital signs gaya ng blood pressure, pulso at temperatura.

Matapos niyan ay kanyang QR Code bilang pruweba na siya ay pre-registered. Beberipikahin ng counter ang mga detalyeng ipinasok niya sa rehistro at mula doon ay pupunta na ang residente sa lugar kung saan siya ay babakunahan.

Mula doon ay tutungo naman siya sa isang itinalagang lugar upang doon ay ma-obserbahan siya sa loob ng 30 minuto kung may kakaibang reaction sa kanyang katawan. Pagkatapos ay uuwi na ang residente upang hintayin kung kelan niya makukuha ang ikalawang dose ng bakuna.

Bagamat aming tinitiyak na tanging sertipikado at ligtas na bakuna lamang ang aming gagamitin, may mga professional medical personnel at ambulansiyang naka-standby para sa worst case scenario.

Sa Maynila, ang ‘worst case scenario’ ay Setyembre pa ang dating ng mga bakuna. Ang ‘good case’ ay kung sa Hunyo ang dating nito at ang ‘best scenario’ ay kung Marso magiging available ang mga bakuna.

Samantala, sa pagitan ng Enero at September, habang hinihintay ang bakuna ay magiging abala kami sa pagsasagawa ng dry-run ng aming vaccination program.

Higit pa riyan, mahalaga na patuloy na mapababa ang bilang na kaso ng COVID at kaugnay niyan ay muli akong nananawagan sa aking mga minamahal na kapwa taga-Maynila na palagian pa ring sundin ang minimum health protocols at panatilihing ligtas ang kanilang sarili dahil kapag inalagaan nila ang kanilang sarili ay mangangahulugan ito ng malaking kabawasan sa problema ng mga health frontliners at ng pamahalaang-lokal na din.

Nananalig ako sa buong kooperasyon at kusang disiplina ng mga Batang Maynila, gaya ng kanilang ipinamalas noong Bagong Taon nang di sila magpaputok at muli noong Pista ng Itim na Nazareno at Sto. Nino kung saan nakinig sila sa panawagan ng lokal na pamahalaan na huwag munang gawin ang mga nakagawiang ‘street activities’ bilang pagdiriwang ng mga naturang okasyon.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.