Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Serye ni Elijah keri ibenta sa abroad

0 326

Tinutukan talaga namin nang buung-buo ang grand finale ng seryeng “Paano Ang Pangako?” ng Cignal OnePH at The IdeaFirst Company nu’ng Sabado de Glorya.

Hindi biro ang limang oras pero totoong-totoo na walang maling panahon sa pagtutok sa isang makabuluhang palabas. Pampamilya ang seryeng ito na nagsimula sa titulong “Paano Ang Pasko?” at nang lumaon ay naging “Paano Ang Pangako?” na.

Napakaayos ng pagkakalatag ng istorya ng serye, kapag pampamilyang kuwento talaga ay napakalawak ng nahahagip, maraming ganap na akmang-akma sa pagmamahalan ng pamilya.

Wala kang itatapon sa casting, parang hindi sila nagtatrabaho nang walang uwian, Malaya ang galaw ng mga artista na parang hindi pandemya nang buuin ang programa.

Wala pa ring kupas ang matagal nang hindi umaarteng si Maricel Laxa bilang isang dakilang ina, kung paano napakademonyita naman ng ginagampanang papel ni Bing Loyzaga, rebelasyon ang magaling na pagganap ni Elijah Canlas na tinanghal nang pinakamahusay na aktor sa URIAN sa pamamagitan ng kanyang pelikulang “Kalel, 15.”

Sa kabuuan ay maipagmamalaki ng produksiyon ang seryeng ito, puwede itong dalhin sa pambanyagang merkado ng sining, hindi nakahihiyang ibenta ang “Paano Ang Pangako?”.

Alice gustong ilibing ang tsika sa dating mister

Kumpleto na ang kaligayahan ngayon ni Alice Dixson. Sa pinakamahabang panahon ay ang hindi niya pagkakaroon ng anak ang isang tanong na gustung-gustong ibato sa kanya ng marami pero mas nangingibabaw ang pagrespeto sa kanyang pagkababae.

Ilang dekada silang tumira sa Vancouver ng kanyang dating asawang si Ronnie, pero hindi sila nagkaanak, ilang taon na ang nakararaan ay nagdesisyon na silang magdiborsiyo.

Sa ngayon ay maligaya na ang aktres sa piling ng kanyang bagong karelasyon, sa Boracay ito naninirahan, kaya madalas magpunta du’n si Alice.

Masayang ibinalita ni Alice na meron na silang munting anghel, hindi sa kanyang sinapupunan nagmula ang sanggol, pero ang binhi ay mula sa kanila ng kanyang karelasyon.

Ilang beses na nagpabalik-balik sa Amerika si Alice, ang pinakahuli ay nang manganak na ang nagdalantao para sa kanilang anak, ilang buwan pa kapag maayos na ang estado ng pagbibiyahe ay uuwi na sila ng kanyang anak.

Masuwerteng bata dahil du’n pa man ay napakahilig na ni Alice sa pagtulong sa mga bahay-ampunan. Nagpapa-celebrity bowling games pa siya para ang lahat ng kikitain ay ihahandog niya sa orphanage na inaayudahan niya.

Anak na lang ang kulang para makumpleto ang kaligayahan ni Alice, anak na ipinagkait sa kanya nang matagal na panahon, pero sa tulong ng siyensiya ay isang ina na siya ngayon.

Sa mga nang-uusisa kung ang hindi ba niya pagkakaroon ng anak ang naging dahilan ng paghiwalay nila ng kanyang mister ay isa lang ‘yun sa mga puwedeng iturong senaryo.

Bukod du’n ay meron pang mga naging dahilan para mauwi sa hiwalayan na ang kanilang pagsasama. Hindi sila nagkakasundo sa maraming bagay.

Sa mga espesyal na okasyon tulad ng reunion ng pamilya nina Alice ay hindi sumasama si Ronnie, nagiging dahilan ‘yun ng kanilang matinding tampuhan, dahil malayo ang loob ng mister niya sa kanyang pamilya.

Minsan ay tinanong si Alice ng isang madaldal niyang pamangkin, “Tita, are you married?” Oo naman, sabi niya sa bata, kaya ang sumunod na tanong nito, “If you’re married, how come we haven’t seen your husband? How come you’re always alone?”

At maraming-marami pang kuwento na gusto nang ilibing ng magandang aktres sa nakaraan dahil maligaya na siya ngayon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.