Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Seryosohin ang panawagan ng health sector

0 119

Habang tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay paulit-ulit ang pakiusap at panawagan ng mga eksperto, mga duktor at iba pang health workers na sumunod ang publiko sa umiiral na health protocols para hindi makapitan ng mabagsik na virus.

Mahigit isang taon at anim na buwan na ang pagdurusa at sakripisyo ng maraming Pilipino dahil sa COVID-19 pero tila hindi pa rin tumatatak sa isipan ng publiko ang peligro ng virus dahil marami pa ring kinakapitan nito.

Naka-ilang lockdown na ang bansa at milyon milyon na ang mga nagutom na pamilya pero tila walang epekto ito dahil mayroon pa ring mga Pinoy na pasaway at hindi naniniwala sa COVID-19.

Kung hindi totoo ang peligro ng COVID-19 bakit maraming duktor at nurses ang namatay na sila mismo ang nanggagamot ng mga pasyenteng may COVID-19? Bakit ang mga lolo at lola na kahit nasa mga bahay lang at bihirang lumabas ay napaaga ang paglisan sa mundo dahil sa COVID-19?

Marami pa ring mga pilosopong Pinoy ang hindi naniniwala sa COVID-19, ang iba pa nga ay pinanindigan ang buktot na paniwalang negosyo lamang ang motibo kaya pinalaki ang isyu sa COVID-19.

Kapag ganito ang takbo ng isip ng kausap ay huwag ng makipagtalo at huwag ubusin ang panahon at enerhiya dahil sayang lamang ang panahon sa mga ito.

Nababasa naman at napapanood araw-araw ang mga kaganapan sa pananalasa ng COVID-19 sa bansa at sa buong mundo at hindi naman nagkulang ang gobyerno at mga eksperto sa paalala at pagbibigay-abiso na mag-ingat sa peligro ng mabagsik na virus kaya nasa mamamayan na kung gustong maglaho na sa mundo o manatili pa para lasapin ang mahabang buhay.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pagod na ang ating health workers sa dami ng pasyenteng may COVID at maging sila ay tinatamaan na rin ng mabagsik na virus kaya may mga hospitals na under staff o kulang na sa health workers.

Mismong ang asosasyon ng mga pribadong hospital na ang nakikiusap at umaapela sa publiko na seryosohin ang mga pag-iingat laban sa COVID-19, huwag lumabas kung kinakailangan ,magpabakuna at sundin ang health protocols.

Kung susundin lamang ang mga ito ay magagawang makontrol ang pagkalat ng COVID-19 at makakabalik sa normal na dating ginagawa ang mga Pinoy.

Ang sabi nga ni Dr. Jose de Grano, Pangulo ng Philippine Private Hospital Association of the Philippines, ang prevention at control sa COVID-19 ay wala sa loob ng hospital, nasa labas ito ng hospital at ang kailangan ay sundin ang mga protocol para hindi matamaan ng salot na virus.

Isaalang-alang din natin ang ating health workers na sobrang pagod na pagod na dahil sa pagiging overworked at ang iba ay nagdo-double shift para lamang maasikaso ang mga taong may COVID-19.

Tumulong ka kaibigan, huwag maging pasaway at huwag lumabas kung hindi rin lang kailangan dahil iba na ang takbo ang panahon ngayon.

Kung dati ay ang luho at kasiyahan ang laging nasa isip, ngayon ay kaligtasan ang itatak sa utak dahil bawat hakbang sa labas ng bahay ay nakaabang ang peligro ng COVID-19.

Mamili ka, buhay o kaligtasan? Nasa iyo ang pagpapasya kaibigan!

Leave A Reply

Your email address will not be published.