Abante Tonite Interactive

Seryosohin ang rabies

308

Hello FURRever FURRiends!

Naalala niyo pa ba ang kuwento ng isang turista na taga-Norway na namatay sa rabies noong Mayo? Nakagat si Birgitte Kallestaad, 24-anyos, ng isang tutang ni-rescue niya sa isang beach dito sa Pili­pinas. Hindi niya alam na may rabies pala ito. Saka lang siya nagkasakit noong nakauwi na siya sa Norway at doon na siya namatay.

Napakalungkot ano?

Kaya mga PETmalu, seryosohin natin ito – sa bawat taon may 600 Pilipino ang nagkaka-rabies at kung hindi pa ninyo alam, ito po ay 100% na nakamamatay.

Dito sa Marikina, kung saan ako nakatira, may epektibong prog­rama laban sa rabies. Noong Sabado, pumunta kami ng mga aso ko sa libreng anti-rabies campaign sa barangay ko para mapabakunahan sila.

MGA KASINUNGA­LINGAN TUNGKOL SA RABIES:

‘Pag kinagat ka ng aso, may rabies ka na.

Mali! Clarification lang po: Ang rabies ay HINDI LIKAS sa aso o pusa.

Kailangan makagat muna sila ng isang hayop na may rabies bago sila magka-rabies.

Sa kagat lang nakukuha ang rabies.

False! Maliban sa kagat, ang rabies ay maaaring makuha sa kalmot ng isang hayop na may rabies. Maaari ka ring mahawa kung may sugat kang nadilaan ng isang rabid animal.

Ang mga asong may rabies ay mabangis.

Hindi palagi! May isa pang uri ng rabies:, ‘yung tinatawag na ‘dumb’. Ang mga asong may ‘dumb form of rabies’ ay hindi mabangis kundi parang mga para­litiko.

Kontra-rabies ang pagpahid ng bawang, toothpaste o suka sa bite wound.
Fake news! Ang mga ito ay hindi po nakagagamot ng rabies at baka magdulot pa ng teta­nus.

ANO-ANO ANG DAPAT GAWIN PARA MAIWASAN ANG RABIES:

Una – Pabakunahan sina Bantay at Muning sa vet o dumulog sa barangay o city veterinarian at alamin kung may anti-rabies program ang lugar ninyo. Taon-taon po ang pagbabakuna.

Pangalawa – Kapag ikaw ay nakagat, hugasan ang sugat at magtungo agad sa Animal Bite Center ng DOH accredited hospitals para magpabakuna ng anti-rabies. Ang pinaka­mabisa ay magpabakuna sa loob ng 24 hours mula nu’ng nakagat ka. Kung lagpas na ng 24 hours, magpabakuna pa rin dahil may bisa pa rin ito kung wala pang sintomas.

Pangatlo – Obserbahan ang asong kuma­gat sa inyo. Kapag ito’y may kakaibang ikinikilos, dalhin agad sa vet o i-report sa barangay.

Pang-apat – Huwag makipaglaro sa mga aso’t pusang hindi mo kilala.

Sana po ay may mga natutunan kayo sa kuwento ko, today.
Just remember – “Iwas lang sa kagat para walang rabies at peklat!”
Nagmamahal,
Joyce