Abante Tonite Interactive

Seryosong cleansing sa loob ng pnp ang kailangan

328

Seryosong cleansing ang kailangan sa loob ng Philippine National Police (PNP) upang maisalba ito sa tulu­yang pagkawasak dahil sa patuloy na pagdami ng mga nasasangkot sa katiwalian.

Ito ang pinatuna­yan ni PNP chief Police General Archie Gamboa matapos niyang matukoy ang 357 pulis na nasa listahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa pagpapakalat ng droga sa ating bansa.

Lumalabas na ito ngayon ang tunay na dahilan bakit patuloy pa rin ang pagkalat ng droga sa iba’t ibang lugar sa buong Pilipinas sa kabila ng puspusang pagsisikap ng ating pamahalaan na matigil na ang pagdami ng adik sa ating lipunan.

Isinasailalim nga­yon sa masusing beripikasyon at background check ang at least two star-rank officers, at least 10 police full-fledged Colonels, 27 Lieutenant Colonels, 27 Majors, 4 Lieute­nants at ang natitira ay mga Police Non-Commissioned Officers na may mga ranggong Police Executive ­Master Sergeants, Chief Master Sergeants, Staff Sergeants, Corporals at Patrolman.

Medyo mainit kasi ng publiko sa ulat na ito, lalo pa at inanunsiyo ni Gamboa na hindi muna ihahayag ang mga pangalan ng nasa watchlist ng Palasyo hangga’t hindi natatapos ang isasagawang imbestigasyon bilang bahagi ng paglilinis sa loob ng PNP.

Humingi kasi ng isang buwan si Gamboa dahil ipapasa pa umano sa National Adjudication Board na pangungunahan ng PNP Deputy Chief for Administration matapos na gisahin ang mga ito sa kani-kanilang mother unit kabilang ang regional, National Support Unit at Directorial Staff ­levels.

Ilan sa mga nasa watchlist ay nagsumite na ng optional retirement ngunit tiniyak ni Gamboa na hindi ito makakahadlang para sampahan sila ng kaukulang kaso.

Matindi ang pinagmulan ng nasabing watchlist at hindi ito basta-basta ilalabas ng ating Pangulo kung hindi ito masu­sing pinag-aralan dahil nga sa patuloy pa rin ang pagdagsa ng droga hanggang sa mga probinsya.

Malaki naman ang tiwala at paniwala ko kay Gamboa na seryoso itong linisin ang buong PNP dahil nga sa ipinapakita niyang husay simula noong maupo siya bilang PNP chief.

Katunayan ay sinibak nga niya ang 10 opisyal ng PNP ­kamakailan lang dahil sa illegal gambling na ­bahagi ng ‘one strike policy’ dahil ­hanggang sa kasaluyan ay ­talamak ang napakara­ming sugal sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kapag binasa mo sa diyaryo o ­pinakinggan mo sa radyo ang katagang sinibak ay ­aakalain mong sinibak na sa pagiging pulis ngunit ang katotohanan ay inalis lamang ito sa puwesto at kapag malakas ay malilipat lamang sa ibang lugar.

Makabubuti sigurong kasuhan ang mga pulis na ­sangkot sa mga iligal na ­aktibidad maging gambling man ito o kahit anong iligal upang magkaroon sila ng takot na kapalit ng kanilang pagtanggap ng lingguhang lagay.

Marami kasing ­pulis na pikit-matang tinatanggap lang ang pag-alis sa kanila sa puwesto lalo pa kung opisyal dahil alam naman nilang makakabalik din sila at kung hindi nga namang mabubuko ay mil­yong piso ang kanilang ­kinita sa loob lamang ng dalawang taong panunungkulan.

At sawa na ang publiko sa ganyang sistema kaya itong 357 pulis na kasalukuyang iniimbestigahan ay umaasa kami ng totoong resulta na may maparusahan kapag napatunayan nagkasala at huwag press release lang.