Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Seryosong panuntunan sa mass transport ipatupad

0 96

NANATILI sa General Community Quarantine (GCQ) ang buong National Capital Region (NCR) at maraming lugar maliban sa Cebu City na muling ibinalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa mabilis na pagkalat ng COVID-19.

Isa sa pangunahing dahilan kaya hindi masawata ang pagkalat ng pandemyang ito ay ang katigasan ng ulo ng ating mga kababayan na itinutulak ng iba’t-ibang kadahilanan.

Marami ang nauubligang sumuway sa mga panuntunang inilabas ng pamahalaan dahil sa takot na mamatay sa gutom kaya kahit labag sa kautusan ay kanilang ginagawa para kumita lamang.

Ito ang mga naglalako ng mga paninda kahit nasa kasagsagan ng ECQ at nakikipagsiksikan sa mga pamilihan na hindi na alintana ang physical distancing at nagsusuot ng facemask na tanging bibig lang ang nakatakip o kaya ay nakababa sa leeg.

Kapag sinita naman ng mga frontliner o enforcer ang isang kakabayan nating hindi sumusunod ay karaniwang mas matapang pa partikular ang mga maykaya sa buhay o nakapag-aral ng kaunti.

Marami sa ating mga kababayan ang minamaliit ang ating mga frontliner na nakabilad sa init para ipatupad lamang mga kautusang ipinalabas ng ating gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ngayon ay unti-unti nang niluluwagan ng pamahalaan ang community quarantine upang mabalanse ang kalusugan at ekonomiya ng bansa upang hindi naman tayo tuluyang malugmok.

Kaya nga unti-unti ay pinapayagan nang magbukas ang mga negosyo na may kaakibat na palatuntunan upang hindi naman maabuso ng ilan nating kababayan na walang pakundangan.

Kasabay nang pagbubukas ng lahat ng mga negosyo ay ang pagbabalik sa trabaho ng ating mga manggagawa na lubhang kailangan ang mga masasakyan para makarating sa kani-kanilang trabaho.

Ngunit dahil sa hindi pa lahat ng sasakyan ay pinapayagang makabiyahe ay marami sa ating mga kababayan ang naubligang gumamit ng bisekleta na muli ay posibleng maging mitsa ng kanilang buhay kung walang guidelines na susundin.

Dapat sa pagbibisekleta ay kailangang pairalin din ang istriktong pagsunod sa batas tulad ng sinusunod ng mga gumagamit ng motorsiklo at nagmamaneho ng kotse.

Tulad ng mga nagbibisekleta na pasalubong o naka-counter flow sa mga kalye na nakasanayan na ng marami dahil hindi naman sinisita ang mga nagbibisekleta ng mga awtoridad.

Dapat ay agad na maglabas ang pamahalaan ng panuntunan kung ano ang puwede at hindi puwedeng gawin ng isang nagmamaneho ng bisekleta upang makaiwas tayo sa aksidente.

At ang mga bus at jeepney ay huwag nating ipagkatiwala sa mga driver o konduktor ang pamamahala sa physical distancing dahil tiyak na marami ang lalabag sa mga ito.

Tulad na lamang noong isang araw ay nakunan ng isang netizen ang tayuang bus at siksikan na lubhang napakamapanganib dahil dikit-dikit na naman ang mga mukha.

Hindi puwede ang padidikit lamang ng mga babala sa mga upuan ng bus na bawal umupo dahil kapag rush hour na ay tiyak na uupuan din ‘yan dapat ay permanenting istraktura ng upuan sa loob ng bus na wala talagang katabi.

May mga bus na naglabas na ng tig-iisa at magkakalayong upuan, sana ito na muna ang payagan at ang hindi susunod ay huwag payagang makabiyahe para hindi maubos ang oras ng ating mga enforcer sa kakabantay sa matitigas na ulo ng ating mga kababayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.