Abante Tonite Interactive

Sex den pa more sa Makati: 19 nasagip

521

Siyam na katao kabilang­ ang dalawang Chinese national ang naaresto habang 19 na kababaihan ang nailigtas sa magkasunod na pagsalakay ng pinagsa­nib puwesra ng Makati City Police at Womens and Children Protection­ Desk (WCPD) ng Camp Crame sa dalawang lugar na hinihinalang prostitution den sa Makati City kamakalawa­ ng gabi.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang naarestong sina Serge Borlas, 50, stay-in sa Casino Royal sa Brgy. Palanan, Makati City, Junyen Barrios, 42; Gella Wins­ton, at ang dalawang dayuhan na sina Xiaolai Jin at Xinze Dong, kapwa nasa hustong gulang at Chinese national.

Hindi naman binanggit ang pangalan ng apat pang suspek na sumasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon.

Samantala ang 19 na kababaihan na nailigtas ay dinala sa tanggapan ng WCPD sa Camp Crame para sa imbestigasyon.

Sa report ni Police Maj. Gideon Ines Jr., hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Makati City Police, alas-10:50 ng gabi nang unang sinala­kay ang Casino Royal.

Agad naman siyang bumuo ng team kung saan isa sa mga awtoridad ang nagpanggap na customer na kumuha ng babae at nagbayad ng halagang P3,000.

Nang magpositibo, dito na sinalakay ng mga tauhan ng SIDMB, Station Intelligence Unit ng Makati City Police at PNP-WCPD hanggang sa ma-rescue ang 12 kababaihan na pawang mga Pinay at naaresto naman ang nag-iisang Pinoy na si Borlas.

Sa follow-up operation, sinalakay din ang isang bahay na ginagawa ding prostitution den sa No. 3879 panulukan ng Emilia at Araro St., ng nasabing lungsod.

Sinabi ni Ines, nakatanggap din sila ng report na ang nabanggit na lugar ay ginagawang prostitution den, dahilan upang madakip naman sina Barrios at Winston at ang anim pang kalalakihan kabilang ang dalawang Chinese national na sina Jin at Dong.

Naabutan naman dito ang pitong kababaihan na kanila ring ni-rescue. (Armida Rico)