Abante Tonite Interactive

Sex na walang condom swak sa rape

740

Posibleng maharap sa kasong sexual assault o rape ang mga kakalakihan na magtatangkang hubarin o alisin ang suot nilang condom habang nasa kalagitnaan ng pakikipagtalik sa kanilang ka-partner base sa panukalang amyenda sa Anti-Rape Law.

Ayon sa House Bill No. 3957 na inihain kamakailan ni House Committee on Justice vice chair Alfredo Garbin (Ako Bicol Party-list), ang mga kalalakihang magtatangkang magtanggal ng condom sa kalagitnaan ng sex ay posibleng maharap sa kasong sexual assault at panggagahasa kung may nauna ng kasunduan tungkol sa paggamit ng nasabing protective device.

Paliwanag ni Garbin, nais niyang susugan ang kasalukuyang batas dahil sa tumataas na bilang ng mga Pinoy na nagpositibo sa HIV at AIDS.

“Deterrent effect of HB 3957 when it becomes law, will lead to fewer ca­ses of sexual assault involving sexually-transmitted diseases and help in the war against HIV-AIDS,” saad ni Garbin.

Nagtala ang Department of Health (DOH) ng 4,274 na kaso ng mga taong nagpositibo sa HIV at AIDS mula Enero hanggang Abril ng kasaluku­yang taon—4,053 dito ay pawang mga kalalakihan.

Kabilang din sa mga posibleng kasuhan ayon kay Garbin ay ang mga kalalakihan na palihim na lalagyan ng butas ang dulo ng condom.

Malinaw din na nakasaad sa panukala ng kongresista na hindi lamang ang mga kababaihan ang maaring magsampa ng kaso kundi ang mga miyembro din ng LGBTQ+. (JC Cahinhinan)