Abante Tonite Interactive

Sexton saludo kay Clarkson

432

Puro papuri si Collin Sexton sa teammate niya sa Cleveland Cavaliers na si Fil-Am Jordan Clarkson.

Rookie ng Cavaliers si Sexton nitong nagdaang season, parehong taon na nakumpleto ni Clarkson ang buong season sa Cleveland.

Napapataas ang kilay ni Sexton sa estilo ng pana­namit ni Clarkson, pero sa laro ay saludo siya rito.

“Jordan, he has a unique style,” ani Sexton. “He dresses pretty crazy, but he has a nice flavor off the court.”

Tinawag ng 20-anyos na guard bilang “great scorer, great teammate, great player” si Clarkson, nakakuha ng exemption mula sa FIBA at pinayagang maglaro sa Gilas Pilipinas noong nakaraang taon sa 18th Asian Games sa Jakarta.

Wala aniya siyang makitang angal kay Clarkson kahit off the bench ito. Katunayan, bawat laro ay bigay-todo ang dating guard ng Lakers.

“He’s one of those players, the sixth man, just comes off the bench and bring that energy each and every night,” dagdag niya. “We know exactly what he’s gonna bring.”

Nasa bansa si Sexton para sa Jr. NBA, nakilatis na rin niya ang estilo ng basketball ng mga Pilipino. Nasa courtside siya sa Game 7 ng 44th PBA Philippine Cup 2019 Finals na itinakas ng San Miguel Beer kontra Magnolia Pambansang Manok nitong Miyerkoles.

Sasamahan nina Sexton at WNBA legend Ticha Penicheiro ang Jr. NBA at Alaska coaches na magti-train ng finalists mula Baguio, Lucena, Dumaguete, Butuan, Manila at Alaska Power Camp sa Gatorade Hoops Center at Don Bosco Tech sa Makati ngayong Sabado at bukas, Linggo.

Ang top 5 boys at 5 girls ang bubuo sa Jr. NBA All-Stars na pupunta ng Indonesia para sa first-ever Jr. NBA Asia Pacific Selection Camp sa June.

Pinagpapaalam ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa National Basketball Association at sa Cavs si Clarkron para makalaro sa Gilas Pilipinas sa 18th International Basketball Federation 2019 World Cup sa China sa darating na Aug. 31-Sept. 15. (Vladi Eduarte)