Sextortion: Grade 9 pinag-video nang hubad ni titser

917

Arestado ang isang Science teacher nang ireklamo ito ng sextortion ng isang grade 9 student na pinagbantaan ng guro na ikakalat sa social media ang hubad nitong video kapag hindi nakipagkita at pumayag na makipagtalik sa kanya sa abandonadong gusali ng Department of Education sa Barangay Guinhawa, Malolos City, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Lester Torres, 32, teacher sa hindi pinangalanang eskuwelahan sa Malolos na inireklamo ng biktimang itinago sa pangalang Alma, 15, estud­yante na nagsampa ng kasong sextortion at Anti-Voyeurism Law in Relation to Child Abuse laban sa suspek na nakadetine na ngayon.

Disyembre 2019 nang magsimulang makipag-chat ang suspek sa biktima at magpanggap itong babae hanggang mapapayag ng teacher ang dalagita na magpadala ng hubad na video. Kasunod noo’y nagbanta na ang suspek na ikakalat sa social media ang kanyang larawan kapag hindi ito pumayag na makipagkita sa abandonadong gusali.

Agad naman itong ipinaalam ng biktima sa kanyang magulang at nagsumbong sila sa Region 3 Anti-Crime Unit ng PNP na nagkasa ng entrapment operation nitong Huwebes ng gabi sa nasabing gusali.

Nagkunwaring makikipagkita ang biktima sa guro at dito na kumilos ang awtoridad.

Nang maaresto ay nakuhanan ito ng lubid, na sinasabing tangkang ipantatali sa biktima habang ginagawan ng kahalayan at kinumpiska din ang cellphone ng suspek kung saan naka-record ang hubad na larawan ng nabiktimang estudyante.

Itinanggi ng teacher ang reklamo ngunit tiniyak ng awtoridad na matibay ang kanilang pinanghahawakang ebidensya laban dito. (Jun Borlongan)

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...