Abante Tonite Interactive

Sexy actress dyowa ng anak ng politician

598

MARAMI nang nakakakita ngayon na palaging magkasama ang isang kilalang sexy actress at ang isang kilalang pigura sa mundo ng pulitika. Kadalasan ay sa bar sila nakikita ng mga miron.

Naging karelasyon nu’n ng isang sexy star ang male personality na anak ng isang pulitikong may mataas na posisyon sa ating bayan. Kahihiwalay naman ng sexy actress sa mayaman nitong karelasyon.

“Naku, hindi rin sila magtatagal, sawain ‘yung guy! ‘Di ba, naging magkarelasyon din sila nu’n ng isang sexy star na drinking partner niya?

“Ano lang ‘yan, panandaliang relasyon lang. One day, tapos na rin sila, dahil mabilis ngang magsawa sa relasyon ‘yung lalaki,” paghusga ng isang impormante.

May clue ang aming source tungkol sa dalawa, “May kapangalang brand ng soda ang girl, apelyido niya ang pangalan ng isang malaking market. Basta!

Male personality dugyot

TAWA nang tawa ang magkakaumpukang magkakaibigang nagseserbisyo sa dalawang magkalabang network. Marami silang pinagkuwentuhan, isa na du’n ang isang male personality na marumi sa katawan, sana raw ay mapagpayuhan na siya ngayon ng kanyang bagong girlfriend.

Sabi ng isang miron, “Oo nga! Parang hindi na siya nawawalan ng sipon! Sa lahat ng panahon, e, singhot siya nang singhot!

“Saka ang mga fingernails niya, ang dudumi, para siyang farmer na kaaahon lang mula sa bukid, wala siyang kaala-alaga sa hygiene niya!” napapailing na reaksiyon ng unang miron.

Minsan kuno, sa taping ng isang serye kung saan may mahalagang role na ginagampanan ang male personality, ay hindi siya hiniwalayan ng tingin ng mga miron sa set.

Kuwento ng nasa umpukan, “Talagang sinubaybayan namin ang mga galaw niya, hindi namin siya tinantanan. Suminga siya sa may gilid ng halamanan, lumilingon-lingon pa siya!

“Pagkasinga niya, e, ipinahid niya ang mga daliri niya sa pants niya, as in, ganu’n talaga ang ginawa niya! Talagang dugyot ang male personality na ‘yun!

“Naku, napakadaling hulaan kung sino siya, sa totoo lang! Kapangalan niya ang isang bayan sa bandang South!” pagtatapos ng humahalakhak naming source.

Alden ‘di pressured sa kalaban

ALALANG-alala kami sa matinding traffic nu’ng Lunes nang gabi, para kaming nakikipagprusisyon sa EDSA, pero nauna na ang aming habilin sa isa naming kasambahay.

Kapag oras na ng “The Gift” na pinagbibidahan ng Box-Office King na si Alden Richards ay kailangan na nitong i-record ang programa.

Suwerte! Ilang eksena lang sa pagbubukas ng telon ang hindi namin napanood, pero nahabol din namin sa recorded na mga tagpo, trending ang naturang serye nu’ng unang gabi nito.

Sa magulong palengke sa Divisoria kinunan ang mga eksena nina Alden at Jo Berry, pero suyurin mo man ang buong paligid ay nagsusumigaw pa rin ang kaguwapuhan ng Pambansang Bae, samantalang ordinaryong t-shirt at pantalon lang ang kanyang gayak.

Kinikilig ang mga kaibigan naming tumututok sa serye, lalo na sa mga close-up shots ng bida nang paluin sa ulo at bumulagta, pambenta talaga ng serye ang kakisigan ng matagumpay na binatang aktor.

Bulag ang ginagampanang papel ni Alden Richards sa nasabing serye pero hindi man siya nakakakita ay niregaluhan siya ng kapangyarihang makita ang hinaharap.

Hindi nagpapapresyur sa labanan ng ratings si Alden Richards, ang kanyang pangako ay basta gagawin niya at ibibigay sa manonood ang lahat ng kaya niyang gawin, dahil regalo niya sa publikong nagmamahal sa kanya ang serye.

Pero sa unang sultada pa lang ay hawak na ng istorya ng serye ang mga kababayan natin sa leeg, susubaybayan nila ang kuwentong nagtatampok sa kanilang idolo, hindi sila bibitiw sa pagsuporta ng pinakasikat na aktor ng kanyang panahon.