Abante Tonite Interactive

SGLG award nakuha uli ng Malabon

157

Sa ikatlong sunod na taon ay muling ginawaran ang Malabon City ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG).

Ang SGLG ang pinakamataas na para­ngal na iginagawad ng DILG sa mga lokal na pamahalaan na nagpamalas ng mahusay at tapat na paglilingkod.

Nakatanggap din ng parehong pagkilala ang Malabon noong 2017 at 2018.

Ayon kay Ma­yor Lenlen Oreta, ang bagong parangal na ito ay isang patunay ng maayos at progresibong pamamalakad ng lokal na pamahalaan sa Malabon.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng ating mga naging katuwang sa pagbibigay ng isang mapagkalingang pamahalaan para sa bawat miyembro ng ating Pamilyang Malabonian. Ang bagong parangal na ito ay isang inspiras­yon sa atin para mas pagbutihin pa ang ating trabaho,” sabi ni Oreta.

Ang SGLG award ay ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan na nakapasa sa mga pangunahing pamantayan sa larangan ng panga­ngasiwa sa pananalapi; paghahanda sa sakuna; panlipunang proteksyon; kapayapaan at kaayusan; pagkamagiliw at competitiveness ng negosyo; pa­ngangalaga sa kapaligiran; turismo kultura at ng sining.

Noong nakaraang buwan, kinilala rin ang Malabon bilang Most Improved Highly Urbanized City ng Department of Trade and Industry, finalist sa 2019 Most Business-Friendly LGU, at 1st Runner-up naman ang Tambobong Festival ng lungsod sa DOT-ATOP Pearl Awards–Best Festival as a Commemorative for Historical Events.