Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Shabu siniksik sa tilapia

0 69

Swak sa piitan ang isang lalaki makaraang mabuking na may sahog na shabu ang ulam na dadalhin sa kanyang misis na nakakulong sa Quezon City Police District – Kamuning Police Station nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) P/Lt. Jorge Villanueva ang nadakip na si Jules Guinto, 49, welder, nakatira sa Landcom Village, Sta. Mesa, Manila.

Base sa ulat, alas-5:30 kamakalawa ng hapon nangyari ang insidente sa loob ng nasabing police station.

Dadalawin ng suspek ang nakapiit na misis at magdadala ng pagkain subalit nang inspeksyunin ni P/Cpl. Reymark Rigor ang dala-dalang ulam na nakalagay sa tupperware ay nakita umano ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu dahilan upang siya ay agad na dakpin. Imbes na kamatis at sibuyas ay nakasiksik umano sa tiyan ng pritong tilapia ang ilegal na droga.

Dinala na ang nakumpiskang shabu sa crime laboratory upang maisailalim sa eksaminasyon.

Samantala, nakapiit na si Guinto habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 laban sa kanya. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.