Abante Tonite Interactive

Shake drill ng MMDA puspusan

0 160

Sa Hulyo 27 araw ng Sabado, gaganapin ng Me-tropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ikalimang Metro Manila Shake Drill.

Ayon kay MMDA Gene-ral Manager Jojo Garcia, imomobilisa ng shake drill ang mga empleyado ng ahensya mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga volunteer organizations at iba pang stakeholders upang ipakita ang planong paghahanda sakaling may tumamang malakas na lindol sa Metro Manila.

“Nais naming makita ang kapasidad sa pagresponde at kahandaan ng mga LGUs at pribadong sektor sakaling magka-lindol dahil maaari itong mangyari kahit kailan,” ani Garcia sa isang pulong balitaan na ginanap kahapon sa tanggapan ng MMDA sa Guadalupe, Makati City.

Sinabi pa ni Garcia, sa mga nakaraang taon ay nagsasagawa ng drill tuwing umaga at rush hours at noong nakaraang taon ay nag-level up na dahil sa hindi na inansunsyo ang drill.

“Ngayong taon ay gagawin ito sa weekend at sa madaling-araw ung kailan nasa bahay at tulog ang karamihan ng mga residente ng Metro Manila,” ani Garcia.
Ito aniya ay hudyat ng simula ng shake drill ang isang alarma na patutunugin sa ganap na alas-kuwatro nang umaga.

“Ginagawa natin ito para ihanda ang lahat at mabawasan ang posibleng pinsala at pagkawala ng buhay,” dagdag niya.

Sa gaganapin na araw ng drill, mag-iikot si MMDA Chairman Danilo Lim, na siya ring Chairman ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC), sa mga city hall sa Kamaynilaan at apat na emergency operation centers (EOC) sa apat na quadrant sa Metro Manila.

Sa Veterans Memorial Medical Center ang EOC para sa northern quadrant habang sa Intramuros Golf Course naman ang para sa western quadrant.

Gagamitin namang EOC ng eastern quadrant ang LRT-2 Santolan Depot habang sa Villamor Golf Course naman sa southern quadrant. (A­rmida Rico)