Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sharon nagpakumbaba kina Helen, Tito; inupakan na ‘plastikada’

0 65

NI: CRISTY S. FERMIN

Bago bumaba ang kurtina sa pinakahuling rally ng grupo ng Kakampink ay nagparamdam na ng pagpapakumbaba si Sharon Cuneta sa mga taong sadya man o hindi ay maaaring nasaktan niya ngayong eleksiyon.

Hindi naman siya humingi ng patawad kina BBM at Mayor Sara, pero ang kanyang pananalita ay may kakambal na panghihingi ng pang-unawa, sana raw ay maging magkakaibigan pa rin sila pagkatapos ng halalan.

Ang ramdam naming tumusok sa kanyang emosyon ay nang maghatid na siya ng mensahe para kina Senate President Tito Sotto at Tita Helen Gamboa na itinuturing niyang pangalawang magulang.

Pasasalamat ang kanyang mensahe kay SP Tito Sotto na direktang nakalaban sa posisyon ng kanyang asawang si Senador Kiko Pangilinan. Sana raw ay hindi ‘yon maging dahilan ng pagkawasak ng kanilang mga pamilya.

Sa kanyang Mama Helen ay bumagsak na ang luha ng Megastar, siya kasi ang itinuturing na panganay na anak nina SP Tito at Tita Helen, kaya nga lang ay naipit siya sa mga nag-uumpugang bato.

Maayos ang kanyang mensahe, pakiramdam nami’y mula naman sa puso, pero negatibo ang naging dating ng kanyang ginawa para sa mas nakararami nating kababayan.

Sa social media ay pinagpistahan si Sharon, umiral na naman daw ang pagiging plastikada niya, hindi na raw niya makukuha sa pagdadrama ang mga kababayan natin.

Binalikan pa ng mga hindi sumang-ayon kay Sharon ang mga lintanyang binitiwan niya sa mga nakaraang kampanya ng Kakampink. Matatapang ang kanyang mga litanya, nang-uusig, nanghuhusga.

Si Sharon Cuneta lang ang tanging nakakaalam kung ang mga binitiwan ba niyang salita sa huling gabi ng kampanya ay mula sa kanyang puso o dumaan lang sa butas ng kanyang ilong.

Leave A Reply

Your email address will not be published.