Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Shopee, Lazada bagsakan ng ‘Milk Scam’

0 1,093

Ni Joee Guilas

Natuklasan sa isang pag-aaral ng University of the Philippines (UP) College of Science and Nutrition na ilan sa mga ibinebentang skim milk powder product sa mga online shopping site, kabilang na ang Shopee at Lazada, ay substandard o bagsak ang antas ng kalidad.

Ayon kay Dr. Lotis Francisco, ang nagsagawa ng pagsusuri, hindi masisigurong matatawag na gatas ang mga produktong binebenta bilang skim milk powder dahil kapos umano ito sa mga nutrient na dapat ay nilalaman ng mga naturang produkto.

Isang kaso aniya ito ng mislabeling.

“Nakalagay for example for beverage use, baka mapagkamalan ng mga tao gatas ito, pwedeng itimpla, pwedeng inumin, since skim milk powder ito, ang paniwala mo gatas `yan, mataas ang protina, pero hindi naman pala mataas ang protina. Wala hong nakukuhang sapat na nutrients `yong mga tao kung ito ay gagamitin,” ani Dr. Francisco.

Halimbawa ni Dr. Francisco ay ang napakababang protein content ng mga naturang produkto na hindi man lang umaabot sa minimum requirements na itinakda ng Food and Drug Administration (FDA) para sa mga powdered skim milk product. Taliwas naman sa tunay na katangian ng skim milk na low fat (kaya nga tinatawag itong skimmed milk ay dahil tinanggal na dito ang makremang bahagi ng gatas na may dala-dalang fats), saksakan ng taas ng fat content ng mga pinag-aralan niyang roduktong nakabalandra naman sa Shopee, Lazada at iba pang online shopping site.

Bagsak din sa microbial load tulad ng yeast at mold count ang mga naturang substandard skimmed milk brand.

Ang lalo pang matindi ay ang kawalan ng FDA Certificate of Registration ng karamihan sa mga naturang brand. Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala ang FDA at ang Department of Trade and Industry (FDA) sa ganitong kalakaran.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, may karampatang parusa ang batas sakaling mapatunayan ang ganitong iligal na pagtitinda.

“In collaboration with the FDA, hinuhuli natin `yan. Kasi considered illegal `yong kanilang pagbebenta ng food products without the certificate of product registration from the FDA. Under the consumer act, maximum na babayaran nila ay 300K pesos mayroon ding imprisonment `yong kasama,” ani Castelo.

Tinangkang hingan ng reaksyon ang mga binanggit na kompanya pero wala pang tugon hinggil dito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.