Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Shopee, Lazada binantaan ni Isko

0 205

Nagbabala si Mayor Isko Moreno sa mga online shopping platform na Shopee at na nagpapagamit umano sa isang cosmetic company na nagbebenta ng mga beauty product kung saan nakasaad sa label o tatak nito ang address na “Manila Province, P.R. China”.

Sinabi ni Moreno na kanilang ipasisiyasat sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nabanggit na mga online shopping platform na nagbebenta ng mga cosmetic product galing sa Elegant Fumes Beauty Products Inc. (EFBPI) na nakabase sa Binondo.

Nabatid na nakarating kay Moreno na mabibili rin sa Shopee at Lazada ang mga cosmetic product na may label na nagsasabing probinsya ng China ang Maynila na labis na ikinagalit ng alkalde.

Napag-alaman na nagpadala na rin si Moreno ng kahilingan kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente para i-deport ang dalawang Chinese national na kinilala sa mga pangalang Shi Zhong Xing at Shi Li Li na siyang nagmamay-ari umano ng nasabing kompanya.

“We are willing to submit relevant documents that maybe used in the said proceedings,” ayon kay Moreno.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sinabi ni Moreno na hindi niya hahayaan na parang pinipitik-pitik lang tayo sa mata at binabalewala ang soberanya ng ating bansa.

“Hindi po ako governor ng China, mayor po ako ng Manila, Philippines. `Yan po ang address ng Maynila. Maynila ay Pilipinas, at ang Pilipinas ay malaya. May sariling soberanya, ayon pa kay Moreno.

Una nang inutos ni Moreno kay Bureau of Permits and Licensing Office Director Levi Facundo na mag-isyu ng closure order at bawiin ang permit to operate sa negosyo ng mga naturang Chinese sa Binondo.

Sinabi naman ni Facundo na lumabag ang naturang kompanya sa mga regulasyon ng Food and Drug Administration (FDA).

“Hindi ito maliit na bagay dahil ito ay misrepresentation. Misrepresentation meaning you’re selling a product and mali `yong information,” ani Facundo. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.