Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Shopee nalusutan ng scammer

0 7

Nilantad ng isang netizen ang nangyaring scam sa kanyang ina gamit ang ShopeePay ng online selling platform na Shopee.

Sa Facebook post ni Maddie Bautista, noong Hunyo 3 ay nakatanggap ng tawag ang kanyang ina kung saan nagpanggap ang kausap nito na empleyado ng EastWest Bank.

Napaniwala umano ang kanyang ina sa sinabi ng pekeng empleyado na ginagamit ang kanyang card sa mga kahina-hinalang transaksiyon dahil sa umano’y identity theft.

Doon binigay ng ina ni Bautista ang mga kailangang impormasyon kaya nagkaroon ng access ang scammer sa card at nakagawa ng ilang transaksiyon sa Shopee.

Kaagad naman nila itong nireklamo sa EastWest kaya naharang ang tatlong transaksiyon na ginawa ng scammer, ngunit ang pinakauna ay lumusot na nagkakahalaga ng P94,000.

“The bank was able to block 3 transactions right away but the first one went through and it was for an amount of 94,000 php. The bank told her that while the transaction went through, it was still ‘floating’,” saad ni Bautista.

Habang nakikipag-usap sila sa bangko ay may tumawag na rin sa Shopee para ireklamo ang naturang transaksiyon, at nangako naman umano ang customer service ng nasabing mobile app na iimbestigahan nila ito.

“The difference between the call with the scammer and with the Shopee employee was just a matter of minutes. The call with the scammer ended at 4:14 PM and she was able to get in touch with Shopee Customer Service at around 4:45 PM,” ayon sa netizen. “Shopee even acknowledged my mom’s dispute form at 5:07 PM. In short, all these happened in less than an hour.”

Ngunit Hunyo 8 ay tumawag sa kanyang ina ang EastWest Bank at dito nila nalaman na lumusot pala ang transaksiyon sa Shopee at pinagbabayad siya ng P94,000.

Doon nila muling tinawagan ang Shopee at tinanong kung bakit natuloy pa rin ang transaksiyon gayong nireklamo na nila ito habang ‘floating’ pa lang ang status, ayon sa bangko.

Ayon sa Shopee, ‘digital product’ daw kasi ang binili ng scammer at real-time umano ang pagbabayad doon kaya hindi naharangan ang P94,000 transaction.

Ayaw din umanong ibigay ng Shopee ang impormasyon tungkol sa transaksiyon ng scammer na makatutulong sana para mahuli ito.

“This is not okay at all. No wonder why the scammer was so confident to purchase products with that huge of an amount thru their platform,” giit pa ng anak ng nai-scam.

Wala pang nilalabas na pahayag ang Shopee hinggil sa naturang scam. (Ray Mark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.