Abante Tonite Interactive

UP shopping center natupok

By
1,557

Maagang ginulantang ang mga residente na naninirahan sa paligid ng University of the Philippines (UP) campus sa Diliman, Quezon City dahil sa sunod-sunod na alingawngaw ng mga bumbero na nagmamadali upang apulahin ang nasusunog na shopping center nito kahapon ng umaga.

Batay sa inisyal na ulat kay Supt. Manuel Manuel, fire marshal ng Quezon City, nagsimula ang sunog sa UP shopping center dakong alas-7:14 ng umaga na umabot sa ikalawang alarma.

Ayon kay Manuel, dahil sa luma na ang istraktura ng shopping center ay mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng gusali.

Masusi pa umano nilang sinisiyasat ang sanhi ng sunog na naa­pula dakong alas-8:53 ng umaga.

“Inaalam pa namin kung saan nagsimula ang apoy…pagdating namin sa shopping center halos lahat may usok na ‘yung building. Made of semi-concrete pero luma na ‘yung structure. Mostly tinamaan lahat ang ceiling ng establishment kasi kahoy ‘yan. Nasusunog ‘yung kahoy kaya may tendency nagwe-weaken na bababa ‘yung cei­ling,” paliwanag ni Manuel.

Ikinalungkot naman ni UP Chancellor Michael Tan ang pangyayari.

“Mahalaga ang shopping center for us. Everyone at one time or ano­ther pupunta dito from photocopying to haircuts to ID pictures. ‘Yan ang main source. Sana naman magkaroon kami ng fire station sa loob ng UP campus, dahil may 70,000 katao ang naninirahan dito mula sa faculty, estudyante at mga staff,” sabi ni Tan sa panayam sa telebisyon.

Nabatid na kilalang destinasyon sa loob ng unibersidad ang nasabing establisimiyento dahil sa ilang matagal nang kainan, gayundin ang mga photocopy center at shop na binibilhan ng mga estudyante.