Abante Tonite Interactive

Shopwise nangamoy bangkay

0 775

Nabubulok na nang matagpuan ang bangkay ng staff ng Central Purchasing Office ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa Shopwise sa Araneta Center, Cubao, Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Lt. Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Fernando Balasta Rodriguez, 59, staff ng Central Purchasing Office ng ADMU at residente ng No. 25 Saint Teresa St., Dela Costa, Marikina City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Morshid D. Tanog ng CIDU-QCPD, natagpuan ang naaagnas nang bangkay ng biktima dakong alas-5:00 ng madaling araw (July 8) sa parking lot sa ikalawang palapag ng Shopwise Araneta Center, Brgy. Socorro, Cubao, QC.

Nagro-roving umano ang security guard na si Jhomar Borlagdan nang makalanghap ito ng masangsang na amoy mula sa isang nakaparadang kotse.

Nang matunton ang agnas na bangkay ng biktima ay agad niya itong ini-report at sa isinagawang ocular inspection, nabatid na ang kotseng may plakang WSR-231 ay noon pang July 5 nakaparada sa lugar.

Wala namang nakitang external injury ang SOCO team kaya hinihinalang inatake sa puso sa parking lot ang biktima at sa loob ng kanyang sasakyan binawian ng buhay.

Nabatid na ang Shopwise ay nabili na sa mga Tantoco ng Robinsons Retail Holdings Inc. na pag-aari ng mga Gokongwei. (Dolly B. Cabreza)