Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Show cause order vs UE

0 48

May kasabihan tayo, mahirap kausap ang bingi o bungol, o ‘yung mga taong ang gusto lamang madinig ay kung ano ang gusto nilang madinig.

Ganito ang nangyayari ngayon sa kaso ng University of the East (UE) sa Sampaloc, Maynila, na sa ikalawang pagkakataon ay tumangging kilalanin ang awtoridad ng pamahalaang-lungsod.

Ito ay naganap nang tayo po ay magpalabas ng Executive Order No. 4, kung saan nagdeklara ang lungsod ng tinatawag na “health break,” kung saan isang linggo muna nating ipapahinto ang online at physical classes sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan na nasa loob ng Maynila.

Hindi po basta kapritso ang order na ito dahil bukod sa legal, ito ay bunga ng aming isinagawang pagpupulong kasama ang mga dalubhasa at partikular na mga sangay ng pamahalaang-lungsod.

Madaming guro at mag-aaral, sampu ng kani-kanilang pamilya, ang kasalukuyang naimpeksyon ng COVID-19. Namamayani ngayon sa hanay nila ang ‘anxiety’ at matataas na stress level kung kaya’t nagpasya kami ng isang linggong pahinga para sa kanilang lahat.

Mahalagang mabigyan din muna ng sapat na atensyon ng mga guro ang kanilang mga sarili at pamilya at kami ay naniniwala na sa paggo-gobyerno, kailangan ding gumamit ng puso na may malasakit.

Kaso mo, nagdeklara si UE President Ester Garcia na wala daw kapangyarihan ang mga mayor na magsuspindi ng klase sa tertiary level o kolehiyo. Dati na rin itong lumabag nang ideklara naming ang suspensyon ng klase dahil sa sobrang lakas ng ulan.

Nirerespeto ko ang opinyon ni Garcia pero dalhin na lamang niya ito sa ibang lungsod. Gusto ko rin ipaalala na ang buong bansa ay nasa loob pa rin ng pandemya.

Ayon sa Commission on Higher Education Memorandum Order 15 Series of 2012, ” classes in collegiate levels, including graduate school, may be suspended or canceled at the discretion of the local chief executive of the local government units if special circumstances in the area arise.”

Sa ilalim naman ng Section 16 of Republic Act 7160 of the Local Government Code, nakasaad na “local chief executives are given the authority to protect the welfare of the greater majority.” ‘Yan ay nagagamit ng alkalde pag me sunog, lindol o anumang calamitous na sitwasyon. Ayoko turuan si Garcia dahil siya dapat ang mas magaling magturo kaysa sa akin.

Related Posts

Bunsod nito ay nagpadala kami sa UE ng “show cause order” na may petsang January 13, 2022, kung saan sila ay aming binibigyan ng tatlong araw upang magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat na bigyan ng “cease and desist order” o pahintuin ng operasyon dahil sa hayagang pagtanggi na sumunod sa kautusang inilalabas ng lungsod.

Ang UE ay nag-o-operate sa ilalim ng business permit na iginawad ng local government ng Maynila, kaya dapat na kilalanin ni Garcia na sila ay sakop ng city rules and regulations.

Dahil sa permit na hiniling ng UE mula sa lungsod ng Maynila,nangangahulugan lamang na kinikilala nito ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan sa mga binayaran nila bilang lessor, learning institution at iba pang fees. Ibig sabihin, ang UE ay nakapaloob sa regulatory power ng lungsod Maynila kaya nagbabayad ito.

Sa nasabing “show cause order” ay amin ding binigyan ang UE ng tatlong araw o 72 oras upang magpaliwanag kung bakit ito kailangang patuloy na bigyan ng permit at sa oras na hindi sila sumagot ay kakailanganing umakto ang pamahalaang-lungsod nang naaayon sa dapat.

Sinabi ko na noon pa sa UE na kungdi ito naniniwala sa kapangyarihan ng LGU ay malaya silang umalis at lumipat sa ibang lungsod na nais nilang kilalanin.

Ang hirap niyan, tila di na ata nakakalabas ng bahay itong si Garcia at wala nang konek sa tunay na sitwasyon. Patuloy niya lamang kinakailnga ‘yung kanyang hanapbuhay.

Para sa kaalaman ng lahat, nung araw ako ay pinatawad ko na ‘yan dahil pinahirapan ang mga mag-aaral nung magdeklara ako dati ng ‘no classes’ dahil sa lakas ng ulan at siya lang ang hindi sumunod.

Nagtataka ako, bakit ‘yung iba nasunod sa panawagan o direktiba ng alkalde? Bakit napaka-espesyal ng UE?

Ang gusto ko lang ay huminga muna ang mga nanay, estudyante, teacher. Ano ba naman ‘yung one week, madam president Garcia? Ano ba ang kawalan sa negosyo mo ng one week na pahinga at kabutihan ng mag-aaral mo sa UE at iyong faculty? Malulugi ka ba ng husto sa one week?

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.