Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Showbiz to Politics?

0 187

Popularidad ang kailangan para manalo sa eleksyon sa Pilipinas. Paramihan ng boto ang labanan para makaupo sa inaasam-asam na puwesto. Kaya maraming tanyag na personalidad ang nakikitang susi ang kanilang kasikatan para pasukin din ang mundo ng pulitika.

Ilang dekada na itong napatunayan sa ating bansa. Bago pasukin ang serbisyo-publiko, sikat na action star si Joseph ‘Erap’ Estrada. Talaga namang tinatangkilik ng milyun-milyong Pilipino ang kanyang mga palabas at pelikula. Mula sa pagiging Mayor, nakaabot ang political career ni Erap hanggang Palasyo ng Malakanyang.

Ilang mambabatas din sa Mataas na Kapulungan ang galing sa pagiging artista gaya ng namayapang si Ramon Revilla Sr., basktebolistang si Freddie Webb, at action star na si Lito Lapid.

Nagkalat din ang mga celebrity sa mga lokal na posisyon sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang Gobernador ngayon ng Bulacan na si Daniel Fernando, isa ring sikat na action star sa mga pelikula at serye.

Si Manila Mayor Isko Moreno, hindi ikinakailang nagsimula bilang sexy star sa mga pelikula noong dekada nubenta bago nagdesisyong pasukin ang mundo ng pulitika. At ngayong darating na 2022 Elections, naghayag na siyang tatakbo sa pagkapangulo.

SM food to go Banner Ad

Matagal ding nanungkulan sa lalawigan ng Cavite si Bong Revilla Jr. bilang Gobernador bago sumabak sa pagka-Senador. Ang kanyang maybahay na si Lani Mercado-Revilla, kasalukuyang Mayor ng Bacoor City pero nagsabi nang sa pagka-Kongresista tatakbo ngayong May 2022 Elections. Ang kanilang anak na si Jolo Revilla na nakaupong Vice Governor ng probinsya, tatakbo namang Kinatawan ng 1st District ng Cavite.

Ang 22-year-old na si Nash Aguas, kilalang child star noon matapos manalo sa isang reality artista search, papasukin na rin ang politika ngayon. Sa impormasyong aking nakuha, tatakbo siyang Konsehal sa Lungsod ng Cavite.

Ang Kapamilya leading man na si JM de Guzman naman, first nominee ng Ang Probinsyano Partylist base na rin sa kanyang kapatid na si Matthew.

Bentahe ang pagiging sikat para makuha ang matamis na OO ng mga botante. Kaya madali para sa mga artista at iba pang sikat na personalidad gaya ng sports icon na pasukin ang mundo ng politika.

Para sa mga botante, maging mapanuri tayo sa pagpili ng iboboto. Huwag maging basehan ang kasikatan. Ibatay ang pagboto sa kredibilidad at kakayahan ng isang kandidato.

Leave A Reply

Your email address will not be published.