Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Si Duterte at si Spider-Man

0 168

Isang malinaw na indikasyon na nagiging desperado na si Pang. Duterte na matigil at mapatahimik ang nagpapatuloy na imbestigasyong ng Senado sa mga anomalya kaugnay sa mahigit P 10 bilyong mga kontrata na ginawad ng kanyang administrasyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation – bukod sa pagdalas at pag-aga ng pagpapalabas ng kanyang “Talk to the People;” walang-puknat na pag-insulto sa pisikal na anyo, pananalita, at pagkatao ni Sen. Richard Gordon, ang chairman ng Blue Ribbon Committee; at pag-utos na imbestigahan ng gubyerno ang Philippine Red Cross (sa tanging kadahilanan na pinamumunuan ito Gordon) – ang paghingi niya ng saklolo mula sa mga alyado niya sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Noong nakaraang linggo, inilunsad ng Kamara ang sarili nitong imbestigasyon sa Pharmally. Halatang-halata ang pakay sa simula’t sapol: bigyan ng plataporma ang mga opisyal ng Department of Budget and Management Procurement Service, kabilang sina dating Usec. Lloyd Christopher Lao at Overall Deputy Ombudsman Warren Liong (na dati ring opisyal ng DBM-PS), upang magpaliwanag na ligal umano at malinis ang lahat ng mga transaksyon sa Pharmally, na kanilang ginawaran ng bilyon-pisong mga kontrata para sa COVID-related supplies (tulad ng face mask, face shield, PPE sets, COVID test kits, atbp.). Mariin nilang inulit-ulit na walang overpricing. Higit sa lahat, pinaliwanag nila na kung hindi man sinunod ang mga probisyon at alituntunin ng Procurement Law, pinahintulutan ito sa bisa ng emergency powers na ginawad ng Bayanihan Law kay Pang. Duterte.

Bilang kompirmasyon na iisa lamang ang script na sinusunod ng Malakanyang at Kongreso, pinalabas ni Duterte ang video clip ng pahayag ni Quezon Cong. David Suarez sa kanilang hearing, kung saan dineklara niyang wala nang saysay at aksaya lamang ng oras ang patuloy na imbestigasyon sa isyu: “So huwag na po nating aksayahin sana ‘yung panahon at oras ng mamamayan sa mga bagay-bagay na kung may nakikita silang mali, eh ‘di maghablahan na lang. Kaso lang tutukan natin ‘yung problema ng bayan
which is COVID response and the pandemic.”

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ngunit “political circus” na lamang ba ang imbestigasyon sa isyung ito, at kung gayon, dapat lang na kagyat na ihinto. Sa panaginip lamang ni Duterte at kanyang mga kampon. Kung may emergency power ang Pangulo, may pagkakataong umabuso, kaya nararapat ang dobleng pagbantay ng Kongreso. Sa kaso ni Duterte, ginamit niya ang kanyang emergency power upang ligal na isantabi ang public bidding at igawad ang mahigit Php 10 bilyong mga kontrata sa kumpanyang walang sariling kapital ngunit mahigpit na nakaugnay kay Michael Yang, ang Chinese businessman na malapit sa kanya at ginawa pa nitong special economic adviser. Kung sinuspinde man ng Bayanihan Law ang Procurement Act, hindi sinuspinde at umiiral pa rin ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Anti-Money Laundering Law, at iba pa. Kaya may makatwirang batayan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa pinagmulan ng pondo ng Pharmally (na pinautang umano ng mga kaibigan ni Yang) at palgantad ng ebidensya na pinagkakitaan nang labis-labis ang mga transaksyon ng Pharmally.

Sa seryeng komiks na Spider-Man, wagas na tagubilin ng kanyang tiyuhin kay Peter Parker ang kasabihang “With great power comes great responsibility.” Kailangang tanggapin ni Duterte na kung may emergency power, may higit na pananagutan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.