Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Si Kito hindi BIMPO

0 833

Maraming sanga-sangang kuwento at reaksyon ang naglalabasan dahil sa pagkakabasura ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN.

Perohuwag na nating bigyang pansin ang reaksyon ng mga politikong galit sa sinapit ng ABS-CBN dahil hindi naman lahat sila ay malinis ang intensyon o totoo sa kanilang sinasabi.

Aminin man o hindi marami sa mga sumasakay ngayon sa isyu at kumakampi sa ABS-CBN ay may personal na interes sa politika. Ipagpalagay na nating may totoong malasakit pero ilang porsiyento lamang ito.

Ang dapat nating bigyang pansin sa mga nag-iingay ngayon pagkatapos ng pagbasura sa prangkisa ay ang mga katulad ni Kito na anak ng isang mambabatas na ang pangalan ay kasama sa mga bumoto pabor sa pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN.

Keber ang bagets na nakilala sa social media sa pangalang Kito at diumano’y anak ni Malabon Congresswoman Jaye Lacson-Noel at An-Waray Party-list Rep. Bem Noel sa pagsasapubliko ng kanyang saloobin.

“Damn my mom really voted for the terror bill AND for denial of franchise renewal for abs-cbn? Pick a struggle and go you fascist,” tweet ni @marupokpokito.

Nakakagulat ang ganitong reaksyon ng anak ng mag-asawang politiko.

Matapang at walang paki sa saloobin ng inang binabatikos.

Marami ang humanga sa bagets na kalaunan ay bumawi at malamang ay nakausap na ang kanyang ina kaya napaliwanagan ito sa tunay na pangyayari.

“UPDATE: My mom didn’t vote herself. She deputized another Representative to vote in her place who voted YES on Denial So in this instance she’s just a coward who was scared of pressure from upstairs. Still voted yes on the anti-terror bill tho so she’s still a fascist,” dagdag niya.

Ilan kayang Kito mayroon sa ating lipunan? Kumusta naman kaya ang anak ng ibang politikong napuwersa lamang bumoto para tuluyang mabasura ang prangkisa ng Dos?

Wish ko lang maka-impluwensiya ng iba pang mga BIMPO o ang Batang Isinubo ng Magulang sa Politika si Kito para matauhan ang kanilang mga magulang na walang sariling disposisyon.

Baka naman pagdating ng susunod na eleksyon ay matitinong mga politiko na ang maluklok sa ating lipunan.

Nakakalungkot kasi sa ngayon ay mas maraming bumoto ng pagbasura sa prangkisa ay mga bata pa lamang sa larangan ng politika. Ibig bang sabihin nito ay wala na ring tayong maasahan sa mga batang politiko? Pasaan ba tayo nito?

***

Isa pang maingay ngayon at pulutan sa halos lahat ng kuwentuhan ay ang hanay ng Philippine National Police (PNP).

Papaanong hindi sila mapag-uusapan ang lalaki ng kaso na namang kinasasangkutan ng PNP.

Nariyan ang sinasabing ‘rubout’ sa Sulu kung saan ay siyam na kagawad ng PNP ang sangkot sa pagpatay sa apat na miyembro ng Philippine Army.

Hindi pa natatapos ang kaso ay sumige na namang ang dalawang pulis sa Ilocos Sur na inaakusahang sangkot sa pangre-rape at pagpatay sa isang 15-anyos na dalagita.

Nauwi nga ito sa pagsibak sa mga tauhan ng dalawang istasyon ng pulisya sa Ilocos kung saan ay mahigit 40 kasama ang dalawang hepe ang sinibak.

Mayroon ding tauhan ng Highway Patrol Group ang naaresto dahil naman sa drug bust na sinundan agad ng robbery extortion sa Bulacan.

Anyare na sa PNP, sobra namang naging palasak sa kalokohan ang kanilang mga tauhan.

Mukhang hindi na kaya ng powers ni PNP Chief Archie Gamboa kaya ganito na lamang kalalakas ang loob ng mga ito ng gumawa ng kalokohan.

Hindi kaya masamang impluwensiya ang idinulot ng pagiging malambot ng liderato ng PNP nang walang naging aksyon nang sumalto si NCRPO Chief Debold Sinas sa pamamagitan ng mananita kaya ganun na lamang naging pasaway ang iba pang tauhan ng PNP dahil feeling nila ay makakalusot din sila?

Sabagay sabi nga ni Senador Panfilo Lacson kahit absuwelto na sa PNP si Sinas ay buhay na buhay pa ang kaso nito sa Department of Justice at sa Internal Affairs Service.

Sana nga maimbestigahan ng mabuti ang kaso at magkaalaman kung wala ba talaga siyang nilabag na batas para naman makita ng mga kagawad ng PNP na pantay-pantay sa kanilang hanay upang manumbalik naman ang disiplina at maibalik ang magandang imahe ng PNP.

Leave A Reply

Your email address will not be published.