Abante Tonite Interactive

Si Mang Recto: Silip sa Isang Dokyu

ANG SA AKIN LANG

By
184

Aminin man natin o hindi pero nagbubunyi ang mga estudyante kapag holiday at walang pasok. Ang nakalulungkot, hindi naman nila alam kung bakit walang klase. Nagtanong ako sa ilang mag-aaral, bakit nga ba walang pasok kahapon, August 21? Natigilan sila. Ngumisi lang ang iba, sen­yales na hindi nila alam ang isasagot.

Gaya ko rin na isang part-time college lectu­rer, gusto sanang mabago ng GMA reporter na si JP Soriano ang pana­naw ng kabataan sa kasaysayan. Ito ang nag-udyok para gawin niya ang dokumentaryong ‘RECTO’. Dito ibi­nahagi ni JP ang kuwento ni Recto Mercene, isa sa iilang photographers na naaktuhan mismo ang pagpaslang kay dating Senador “Ninoy” Aquino Jr. sa tarmac ng noo’y Manila Internatio­nal Airport.

Kuwento sa akin ni JP, walang halong politika ang kanyang dokumentaryo. Aniya, “Ginawa ko ang documentary para ikuwento ang storya ni Mang Recto, ‘yon lang ang tanging intensiyon at walang halong kulay-politika.”

Naging susi ang pagpaslang kay Ninoy tatlumpu’t limang taon na ang nakalilipas para mapatalsik sa puwesto ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Dagdag ni JP, “Naniniwala ako na maha­lagang maibahagi ang kuwento niya (Mang Recto) para sa bagong henerasyon na maa­aring hindi alam ang bahaging ito ng ­kasaysayan.”

Sa gitna ng nagbabagong panahon at teknolohiya, kumpiyansa pa rin si JP na maraming kabataan ang interesado pa rin sa kasaysayan. Aniya, “I believe our millennials are still interested in history and they are very intelligent and capable to engage themselves to critical debates and discussions.”

Unang ipinalabas ang ‘RECTO’ sa University of the Philippines Film ­Institute kung saan nagpapakadalubhasa si JP at tinatapos na lang din ang ilang units ng kanyang Master’s ­Degree in Film.

Ginawaran ng ‘Best Documentary’ award ang ‘RECTO’ sa ASEANale Film and Multimedia Competition na inorganisa ng Commission on Higher Education (CHED) at University of the Philippines. Ang nasabing dokumentaryo rin ang kinilala ng festival bilang ‘Best Film’. Tinanggap ni JP ang award noong March.

Abot-abot naman ang pasasa­lamat ni JP sa mga taong tumulong sa kanya para sa dokumentaryong ito kabilang na si Karla Rimban na nagsilbing Associate Producer at Director of Photography.