Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Si Manoy at ang Covid

0 331

Nahirapan ka nang huminga, maaaring magka-diprensya pa ang puso at ibang organs, pagkatapos na magrecover sa Covid 19, wala ka na rin bang ibubuga?

Lumalabas sa isang pag-aaral na anim na beses na tumataas ang tsansang di titindig si Manoy kapag nagka-Covid ang isang lalaki.

Bukod kasi sa psychological impact kung saan na-i-stress, hindi mapalagay at makatulog, at nalulungkot ang isang nagka-Covid, naaapektuhan din ang mga daluyan ng dugo, lalo na ang papunta sa ari ng lalaki – maaaring mabarahan ng blood clot o sumikip ang daanan ng dugo bunga ng virus.

Sa pag-aaral na inilabas ng grupo ni Dr. Emmanuele A. Jannini, propesor ng endocrinology at medical sexology sa University of Rome Tor Vergata sa Italya, sinabi rin nitong ang mayroon nang erectile dysfunction ay limang beses naman ang tsansang makakuha ng Covid.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nasisira ng Covid ang endothelium na siyang naglilinya sa loob ng ugat ng daluyan ng dugo (blood vessels) at ng lymphatic vessels (kulani). Dahil dito, naaapektuhan din ang daloy ng dugo patungo sa ari ng lalaki.

Sa pag-aaral, lumalabas din na may posibilidad na magkaroon ng diprensya ang itlog ng lalaki na imbakan ng sperm nito kapag nagka-Covid. Pero hindi pa matiyak kung pangmatagalan ang damage o kung makakaapekto sa kakayahang makabuntis ng isang lalaking nagka-Covid.

Ayon naman kay Dr. Joseph Lee, isang urologist, kailangan ng mas malalim pang pag-aaral tungkol dito. Pero hindi aniya maihihiwalay ang posibilidad ng problema sa pagtindig ni Manoy sa pagkakaroon ng Covid dahil sa ilang kabataang lalaking kanyang nasuri kamakailan, nagulat siya na nagkakaroon na ang mga ito ng problema sa ereksyon.

Kaya ang payo ni Dr. Lee, huwag balewalain ang Covid, mag-mask, face shield at regular sanitization at magpabakuna kung available na.

Leave A Reply

Your email address will not be published.