Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Si Mikey Arroyo sa DOE? Wag sana!

0 182

Gaano kaya katotoo ang mga usap-usapan na ipupuwesto daw sa Marcos administration ang anak ni dating Pangulong Gloria Arroyo na si Mikey Arroyo?

Ayon sa mga tsikahan, si Mikey ay ipupuwesto daw bilang Energy Secretary. Aba, aba kung totoo ito ay katanung-tanong bakit si Mikey? Bakit si Mikey sa Department of Energy (DOE)?

Ano ba ang kuwalipikasyon ni Mikey para maging tagapagtimon ng DOE? Wag naman sanang pulitikal na koneksyon lamang ang dahilan para sa appointment na ito sakali mang totoo.

Hindi pa man nakukumpirma, marami na ang diskumpiyado sa pagtatalaga kay Mikey sa DOE dahil sa paniniwalaang may konek ito sa sinasabing interes ng pamilya Arroyo sa pribadong energy company na Aboitiz Power.

Marami ring alingasngas sa pangalan ni Mikey Arroyo. Taong 2009 nang nabisto na bumili siya ng P63.7M halaga ng beach property sa San Francisco Bay Area sa Amerika. Hindi niya ito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) sa halip ay inilipat agad sa pangalan ng misis niya. Ang mapakla pa ay inamin ni Mikey na ang perang ipinambili niya ng naturang beach property ay natanggap niya bilang donasyon sa kampanya at regalo raw ng ninong/ninang nila sa kasal.

Bukod pa sa ibinabatong tax evasion laban dito ng BIR.

SM food to go Banner Ad

Kaya naman ngayon pa lamang ay aligaga na ang progresibong consumer group na United Filipino Consumers and Commuters dahil sa posibilidad na hirangin nga ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. si Mikey. Anila, dapat pag-isipang mabuti ni BBM ang paghirang kay Mikey sa DOE.

Sinabi ni Rodolfo “RJ” Javellana, tumatayong pangulo ng UFCC, na “bad news” kapag naitalaga sa DOE si Mikey dahil ang kailangang maging kalihim nito ay may interes na isulong at protektahan ang kapanakanan ng mga konsyumer sa public utility services.

Hinamon din ni RJ si BBM na tuparin ang Article 12, Section 17 at 18 na babawi ng kontrol ng mga bilyonaryong oligarko sa serbisyo ng kuryente, tubig, toll roads at iba pa. Dapat aniyang tuparin ni Marcos ang pangakong maibababa ang buwanang singil sa kuryente.

Kapag isang taong may pansariling interes ang ipinuwesto sa DOE, malabong maisulong ang interes ng taumbayan. Malilipat lamang sa mga bagong kamay ang kontrol. Mukhang wala tayong aasahang pagbabago kung patuloy na mapagsasamantalahan ng mga oligarko at kasosyong politiko ang sector ng enerhiya.

Wala pa namang kumpirmasyon kung makukuha nga ng batang Arroyo ang DOE pero sana ay hindi totoo ang balita.

Isa kami sa naniniwalang hindi muna dapat husgahan si Marcos at dapat itong bigyan ng pagkakataong patunayan na totoo ang kanyang adhikain para sa bansa. Sana’y ipuwesto ni BBM sa mga mahahalagang tungkulin ang mga tunay na eksperto at tunay na karapat-dapat. Iwas muna sa mga political appointment dahil maraming dapat ayusin sa ating bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.