Abante Tonite Interactive

Si Uncle Sam talaga

265

Kapansin-pansin ang pagtaas ng pagtutulungan ng Pilipinas at Rusya, resulta ng napaikling bisita ni PDU30 sa Moscow noong nakaraang taon – napaikli dahil sa paglusob ng mga terorista sa Marawi.

Hindi nakapagtataka kung ang Estados Unidos ay maingat na magmatyag sa bawat kilos ng Manila sa pakikitungo sa mga Ruso lalo na sa usaping militar.

Kamakailan, inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na umaalma ang Estados Unidos sa plano ng Pilipinas na bumili ng armas mula sa Russia.

Nagbanta ang Washington na papatawan ng ‘sanction’ ang Manila sa oras na ituloy ang pagbili ng armas mula sa mga Ruso.

May batas kasi na nilagdaan si US Pre­sident Donald Trump na nagtatakda na patawan ng ‘sanction’ o parusa ang anumang bansa na makiki­pagtransaksyon sa Russian ‘defense at intelligence service’.

***

Si Uncle Sam talaga, kung ituring ang mundo ay bakuran lamang. Pati ang desisyon ng Pilipinas na bumili ng armas sa ibang bansa, partikular sa Rusya, ay pinapakialaman pa.

Diskarte ng Pilipinas, na isang mala­yang bansa, kung saan nito gustong makipagnegosyo. Desisyon ng gobyerno ng Pilipinas kung saan nito gustong makipagtransaksyon para sa parehas na laban at hindi agrabyado.

Marami nang pagkakataon na tumanggap ang Pilipinas ng mga ‘hand-me-down’ na kagamitang militar mula sa Estados Unidos, lahat ay may bayad – kung libre man, mabibilang ­lamang.

Ngayong may pagkakataon ang Pilipinas na magkaroon ng mga ‘brand new’ na baril at armas, bakit hahadlangan ito ng America? Ano ba talaga ang turing ni Uncle Sam sa Pilipinas, probinsya na tapunan lamang ng mga pinaglumaan?

Panahon na para makawala ang Pilipinas sa mga ‘kasunduan’ na mayroong tinatawag na ‘onerous condition” o mga kondisyong hindi parehas.

Sa relasyong militar ng Pilipinas at Estados Unidos, la­ging talo si Juan dela Cruz, si Uncle Sam ang laging panalo.

Hindi nakakapagtaka kung kumilos ang Pentagon, huwag lamang matuloy ang ‘arms purchase’ ng Pilipinas sa Kremlin. Hindi rin nakapagtataka na isang araw ay marinig sa balita na ‘cancelled’ na ang pagbisita ng barko ng Philippine Navy sa Russia dahil sa udyok ng mga Kano.