Abante Tonite Interactive

Sibuyas bagsak-presyo sa 50 mula sa 120 — Piñol

By
304

Babagsak na sa P50 kada kilo ang presyo ng imported na puti at pulang sibuyas sa susunod na dalawang linggo.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, ito ay dahil nakiusap na ang kanyang kagawaran sa Department of Finance at Bureau of Customs na tanggalin na ang tinatawag na special safeguard duties sa sibuyas.

Ang SSG ay karagdagang taripa na pinapataw sa mga imported agricultural products sa oras na tumaas ang presyo sa local na merkado. Pinapataw ito para hindi naman ikamatay ng mga magsasaka at hindi mabigatan ang mga mamimili.

Para sa sibuyas, nagpapataw ng SSG pag umabot na sa P74.21 kada kilo nito. Kung ang halaga ng imported na sibuyas ay P33 kada kilo, ang karagdagang taripa ay magiging P41.21 kada kilo.

Ayon kay Piñol, ang sibuyas na puti ay nasa P120 kada kilo ngayon at inaasahang babagsak ito sa P55.

Ang sibuyas na pula naman ay nasa P100 kada kilo ngayon at inaasahang babagsak sa P65 kada kilo ‘pag umepekto na ang pagtanggal ng SSG.

Sinabi ni Piñol na tinanggal ang SSG sa sibuyas dahil wala pa namang ani nito sa bansa sa ngayon.