Abante Tonite Interactive

Siguruhin ang kaligtasan ng mga religious event

324

Kaliwa’t kanang kapistahan ng Señor Sto. Niño ang ipagdiriwang mula Visayas hanggang Luzon.

Bagama’t hindi ito kasinlaki ng Kapistahan ng Black Nazarene kung bilang ng deboto ang pag-uusapan, pare-pareho itong dinarayo ng mga turista at lokal na mananampalataya.

Sa darating na Linggo ay tatlong magkakasabay ng Sto. Niño Festival ang magaganap.

Ang pinakapopular sa lahat ay ang Sinulog Festival sa Cebu. Kasabay rin nito ang Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan at ang Kapistahan ng Batang Hesus sa Tondo, Manila.

Ang tatlong lugar na nabanggit ay nagdiriwang ng kapistahan ng kanilang mahal na patron tuwing ika-tatlong Linggo ng Enero.

Kasunod ng magkakasabay na selebrasyon ay ang Dinagyang Festival sa Iloilo na bagama’t si Señor Sto. Niño rin ang patron ay tuwing ika-apat na Linggo naman nagdiriwang.

Lahat ng apat na Sto. Niño Festivals ay dinarayo. Pare-pareho rin itong kinatatampukan ng mahabang parada ng iba’t ibang imahe ng Batang Hesus at street dancing.

Puno ng saya ang mga pagdiriwang na ito lalo pa nga at mayorya ng Pinoy ay sarado Katoliko.

Kaya lalong dapat pag-ibayuhin ng militar at pulisya ang pagpapalakas ng kanilang intelligence operations upang masagap ang anumang impormasyon kung mayroong pagbabanta ng terorismo at pananabotahe.

Regular na okasyon ito kaya’t walang puwang ang kapalpakan at pagkukulang sa panig ng mga awtoridad. Walang rason para sila malusutan at masalisihan ng masasamang elemento.

May sapat nanan silang intelligence fund. Kaya mataas ang tiwala ng publiko na kaya ng gobyerno na siguruhing magi­ging ligtas at mapayapa ang mga religious festivities na ito.