Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sikat na aktor babalik na sa iniwang network

0 238

Sigurista ang isang sikat na male personality! ‘Yun ang nagkakaisang komento ng isang grupong may malalim na alam tungkol sa kanyang plano.

Hindi siya mawawalan ng trabaho kahit pa bumaba na ang kurtina ng isang programa kung saan siya kasama bilang bibidahin.

Komento ng aming source, “Hinding-hindi! Hindi siya matetengga dahil nu’ng nagpaalam siyang magbabakasyon lang sa ibang bansa, e, nagpasabi na siya na anytime na may nakahanda nang work para sa kanya, e, babalik na siya dito,” unang kuwento ng aming impormante.

Sino ang kanyang tinawagan? Kanino siya nagsabing anumang oras, kapag meron nang magandang proyekto para sa kanya, ay lilipad na uli siya pabalik dito sa Pinas?

Patuloy na kuwento ng aming source, “Sino pa, e, di ang mga dati niyang executives sa network kung saan siya nanggaling? ‘Yun ang sinabi niya, na anytime na may magandang trabaho na para sa kanya, e, agad-agad siyang babalik!
“Sigurista ang lolo n’yo, alam na niya ang magiging kapalaran niya, hindi siya mawawalan ng work dahil planado niya na ang mangyayari sa career niya!” madiing sabi pa ng aming source.

Bilang pagtanaw ng utang na loob ay sumama siya sa kabilang bakuran dahil ang nagbuo ng programa ay ang itinuturing niyang tatay-tatayan. Sa anggulong ‘yun naman siya napupuri ng grupo.

“’Yun naman ang maganda kay ____(pangalan ng sikat na male personality), marunong siyang tumanaw na utang na loob. Nu’ng kausapin siya ng taong kumuha sa kanya, e, isa lang ang sinabi niya. Walang problema. Magpapaalam lang muna siya sa mga executives ng network niya.
“Wala siyang pinirmahang contract, wala talaga, dahil parang pagtanaw lang ng utang na loob sa production head ang pagsama niya sa show.
“Kaya ngayong wala na ang programa, e, hindi siya mahihirapang makabalik sa network na nagpasikat sa kanya, meron na silang usapan, hindi siya mababalagoong!” pagtatapos ng aming source.
-o0o-

Jomari ‘hinagupit’ ng bayan

Kasing-asim ng hilaw na sampalok ang imahe ngayon ni Jomari Yllana sa social media. Galit na galit sa kanya ang mga netizens, pinakakain siya ng ampalaya, pinalalagok ng mapaklang apdo.

Sa bansang ito, kapag kinakawawa ang babae at mga bata, ay wala ka talagang makakakampi sa laban. Nakikisimpatya agad ang ating mga kababayan sa mga inaapi.

Simple lang naman ang punto. Kung nu’ng maglabas ng hinaing si Joy Reyes, dati niyang karelasyon at ina ng dalawa niyang anak, ay hindi na lang sana nagpakasarkastiko si Jomari ay wala na sanang ibabalik na masasakit na salita sa kanya sa social media.

Kaso, sa pagtatangka ni Jomari na makabalanse sa kontrobersiya, para palabasin niyang kakaiba rin naman si Joy Reyes na wala na ngang kuryente ay nakapagpo-post pa ay du’n nagalit sa kanya ang mga nakatutok sa istorya.

Ano ba namang tinulungan niya na lang si Joy sa problema, tutal naman ay hindi lang ito ang nagsasakripiryo, kundi ang dalawa nilang anak na nanglalapot sa pawis na puwede pang mauwi sa pagkakasakit.

‘Yun lang naman ang hinahanap mula kay Jomari, ang magkaroon ng awa sa kanyang mga anak, hindi ‘yung sasagot pa siya nang pasarkastiko na para niyang pinalalabas na ang kapal ng mukha ng kanyang ex.

Itapon niya na ang nawasak nilang relasyon ni Joy Reyes, pero magputukan man ang lahat ng bulkan ay hindi niya maitatatwang anak nila ang dalawang bata, papasok-pasok siya sa masikip pero hindi naman siya makalabas sa responsibilidad na dapat lang niyang gampanan.

Huwag sayangin ang utak, gamitin dapat ‘yun sa wasto, para maiwasan ang hagupit ng husgado ng bayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.