Abante Tonite Interactive

Sikat na aktres, baguhang politician palpak ang gimik

1,135

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Parating na naman ang eleksiyon. Kani-kanyang isip na naman ng plataporma ang mga kakandidatong pulitiko. Panahon din ito ng paggimik ng mga bagitong mukha at pangalan sa mundo ng pulitika.

Ano pa nga ba ang pinakamabilis na paraan para mapag-usapan ang isang bagitong kakandidato kundi ang maugnay ang kanyang pangalan sa isang kilalang artista?

Ilang eleksiyon na ang nakararaan ay pumayag ang isang pamosong aktres na magpagamit sa isang bagitong pulitikong tumatakbo sa isang mataas na posisyon sa isang malaking lungsod.

Kuwento ng aming source, “Madatung ‘yung tumatakbo, nakaposisyon kasi sa gobyerno ang father niya, pero kailangan niyang magpakilala sa mga constituents niya! Baguhan lang kasi siya, e!

“Naisip ng mga advisers niya, kailangang ma-link ang name niya sa isang artista, handa silang magbayad, umingay lang ang pangalan nu’ng tatakbong personality!

“Ganu’n nga ang nangyari, kinausap­ ng mga political advisers nu’ng guy ang management arm ng sikat na female personality, nagkasundo sila sa tatanggaping talent fee ng girl.

“Wala siyang gagawin kundi ang paputukin na kunwari, e, nililigawan siya nu’ng bagitong pulitiko, na kunwari, e, nagkakaigihan na sila. Pinupuri siyempre ng girl ang anak-mayamang bagito, para gumanda ang image niya sa tatakbuhan niyang city.

“Ganu’n lang ‘yun, nagpapa-interview ang girl tungkol sa kandidato, nagpapakita silang magkasama sa mga public places, kaya palagi silang laman ng mga tabloids. Pero hanggang du’n lang ‘yun!

Ni hindi nga nag-uusap kahit sa phone lang ang dalawa, walang-wala silang relasyon!” kuwento ng a­ming source.

Pagkatapos ng kampanya ay wala nang sumunod pang kuwento tungkol sa sikat na aktres at sa ba­gitong politician. Wala ring nangyari sa kanilang gimik, talo ang kandidato sa tinakbuhan niyang malaking city, nganga ito.

Hindi nakatulong ang kanilang gimik ng sikat at magandang aktres, hindi nila naloko ang mga botante, alam naman kasi ng mga tagaroon na pamilyado na ang lalaki.

Herbert umiwas sa eleksyon

Naging palaisipan para sa mga taga-Quezon City ang hindi pagpa-file ng certificate of candidacy ni Mayor Herbert Bautista. Ina­asahan siyang kakandidatong kinatawan sa kanyang distrito.

Pero nagsimula at natapos ang fi­ling nang hindi man lang nakita kahit ang anino ng mayor ng Kyusi, hindi rin alam ng mga taong malapit sa kanya kung ano ang nangyari, nag-ala John Lloyd Cruz si Mayor Bistek.

Maraming usap-usapang umiikot ngayon nang dahil du’n. May mga nakakaintindi sa kanyang kagustuhang mamahinga muna sa pulitika dahil mahigit na tatlong dekada na siyang nagseserbisyo-publiko.

Gusto naman sigurong matikman ni Mayor Herbert ang isang pribadong­ buhay na napakatagal nang ipinagdamot sa kanya nang napakahabang panahon.

Pero may kuwento ring lumutang na hindi na niya muna kailangang makilahok sa pulitika dahil meron nang nakahandang upuan para sa kanya sa gobyerno ni PRRD.

Kung matatandaan ay palaging kasama sa ibang bansa ni Pangulong Duterte ang aktor-pulitiko para tulayan ang nagsasalpukang kampo ng pamahalaan at ng grupo ni Mr. Joma Sison.

Malakas pa rin ang hatak ni Ma­yor Herbert, wala siyang katalu-talo sa Quezon City, pero para umiwas siya sa paglahok sa eleksiyon sa 2019 ay siguradong may mas magandang kapalarang naghihintay sa kanya sa pamahalaan.

Hindi niya sasayangin nang paganu’n lang ang magandang­ pangalang sinimu­lan niyang buuin nang napakahabang panahon sa mundo ng pulitika.