Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sikat na celebrity mayaman pero problemado

0 813

Hindi nga maaaring angkinin ng isang tao lang ang kumpletong kaligayahan sa buhay. Merong sikat at mayaman d’yan pero malungkot naman at hindi maligaya ang personal na buhay.

Merong personalidad na katamtaman lang ang popularidad, tamang-tama lang, pero maligaya ang puso at maayos ang relasyon ng kanyang pamilya.

Hindi talaga puwedeng maipon sa isang tao lang ang lahat ng mga biyaya. Palaging may kulang at sobra, hindi balanse, kaya sikat at mayaman man ay malungkot ang kanyang buhay.

Sa isang malayuang kuwentuhan ay sinabi ng isang source, “Totoong-totoo ‘yun. Tingnan n’yo si ____(pangalan ng isang sikat at mayamang female personality), akala natin, e, wala na siyang pinoproblema sa buhay dahil mayaman siya, pero may pinoproblema naman siyang sakit.

“Hindi malaman kung saan ‘yun nanggagaling, palagi siyang nasa ospital, napakalaki na ng nagagastos niya dahil sa sakit niyang pangmayaman lang,” sabi ng aming impormante.

Kalusugan ang problema ng female personality na unang binanggit ng source, pero meron pa itong binanggit na isang pangalan, hindi rin kumpleto ang kaligayahan ng ikalawang female personality.

Patuloy nito, “Iba rin ang pinoproblema ni ____(pangalan ng sikat at mayamang babaeng personalidad), emosyon naman. Maayos ang health niya, pero marami naman siyang pinoproblema sa pamilya niya.

“Maraming kuwento tungkol sa husband niya, may mga issue ring kinasasangkutan ang mga anak niya, para siyang nag-iisang sundalong humaharap sa laban.

“Siya ang demedepensa sa mga mahal niya sa buhay, very busy siyang mag-post sa social media, samantalang nakahiga na siya sa salapi, ha?

“Talagang hindi puwedeng ipunin ang lahat ng mga biyaya sa isang tao lang. Hindi lang naman kasi sila ang nag-iisang anak ng Diyos,” reyalisasyon ng aming source.

Vice mag-ober da bakod sa Eat Bulaga

Maraming natatanong sa amin kung may posibilidad bang lumipat sa Eat… Bulaga si Vice Ganda ngayong mukhang mahihirapang makalusot sa Kamara ang ABS-CBN sa pagkuha ng prangkisa.

Ipinasarado ang ABS-CBN, pati ang ibang channel kung saan maaaring ipalabas ang mga programa ng Dos ay hinarangan na rin, wala na halos natitirang venue para sa trabaho ng mga artista ng ABS-CBN.

Natural, apektado ang lahat ng mga kontratadong artista ng network, paano na ang kanilang hanapbuhay at mga pamilyang sa kanila lang umaasa?

Balitang palalayain na ng network ang kanilang mga artista, kaya ang tanong ng bayan, lumipat kaya si Vice Ganda sa programang kalaban ng It’s Showtime sa pananghalian?

Kung kilala nga namin si Vice Ganda ay ang paglipat sa Eat… Bulaga ang pinakahuling panaginip sa kanyang utak ngayon. Hinding-hindi niya ‘yun gagawin anuman ang mangyari.

Kahit pa sinasabing hindi lang naman laway ang nilulunok kundi pati ang pride ay mas naniniwala kaming mas matatanggap ng sikat na komedyanteng wala na lang siyang programa kesa sa maging bahagi siya ng programang ilang taon niyang nakalaban sa ere.

Unang-una ay kayang-kaya nang mabuhay nang masagana ni Vice Ganda sa bilyones na meron siya ngayon. Kayang-kaya na niyang kumain at matulog na lang at kapag naiinip siya ay kaya niyang bumiyahe sa ibang bansa para magpalamig.

Bastante na ang kanyang buhay, hindi niya na gugustuhin pang lumipat sa ibang programa, lalo na sa nakatunggali niya sa labanan ng rating.

‘Yun ay kung kilala nga namin si Vice Ganda.

Leave A Reply

Your email address will not be published.