Abante Tonite Interactive

Sikat na female personality babawiin ang ‘upuan’ ng pamilya

684

Matatagalan pa nga siguro bago makalimutan ng isang pamosong female personality ang nangyari sa pangarap na makapaglingkod sa kanilang mga nasasakupan ng kanyang kadugo.

At sigurado rin na hindi basta-basta makakalimutan ng mga taong pinagsalitaan niya nang masakit ang senaryo. Lantaran ang pagpaparamdam ng pagmamahal at malasakit ng female personality sa kanyang mahal sa buhay na kumandidato.

Pero ayon sa kanilang mga kababayan ay hindi pampulitika ang kanyang manok, ni hindi nga raw ito nakikita sa kanilang lugar, nang magpahayag na lang ito ng kagustuhang kumandidato at saka lang naramdaman ng mga tagaroon ang kanyang presensiya.

Kuwento ng aming source, “Sa totoo lang, hindi naka-design sa politics ‘yung ipinaglalaban niya. Walang ibang puwedeng gawin ang pamilya nila kundi ang siya mismo ang patakbuhin sa susunod na eleksiyon.

“Kapag siya ang tumakbo, malaki ang chance na mabawi nila ang upuan sa siyudad nila! Magaling siyang magsalita, matalino siya, sikat pa, maganda ang magiging­ laban niya!” buwena manong kuwento ng aming impormante.

Maraming beses na palang kinukumbinse ng kanyang angkan ang sikat na female personality para kumandidato, pero siya ang may ayaw, hindi raw niya kayang sikmurain ang mga kaganapan sa mundo ng pulitika.

Patuloy ng aming source, “Naku, kapag pumayag siya, e, siguradong magiging madugo ang laban! Napakaemosyonal pa naman ng female peronality, kaya siguradong magmumukhang teleserye ang entablado de kampanya!

“Sigurado ring marami siyang makakaaway dahil napakadiretso niyang magsalita! Prangka siya, sasabihin niya ang lahat-lahat ng alam niya tungkol sa mga kalaban niya!

“Malay naman natin, baka may kumausap sa girl na pinaniniwalaan niya, di ba? Ayaw pa niya nu’n, tumatanggi din siya ngayon, pero malayo pa naman ang susunod na eleksiyon, makapag-iisip pa siyang mabuti kung tutuloy siya!” pagtatapos ng aming source.

Herbert pupunan ang pagkukulang sa mga anak

Maraming nabigla at nanghinayang nang hindi makilahok sa eleksiyon si Mayor Herbert Bautista.Hinog na hinog na siya para sa pagkakongresista, malaki rin ang tsansang manalo siyang senador, pero bakit nga ba nanahimik lang si Mayor Bistek nitong nakaraang eleksiyon?

Pangalawang balat na ni Mayor Herbert ang mundo ng pulitika, hindi na ‘yun mawawala pa sa kanyang sistema, pero para sa aktor-pulitiko ay may isa pang aspeto ng kanyang buhay na napakamahalaga.

Ang kanyang pamilya. Lalo na ang kanyang mga anak. Dahil halos sa paglilingkod-bayan niya na ginugol ang mga nakaraang dekada ng kanyang buhay ay aminado si Mayor Herbert na kulang na kulang ang panahong naibabahagi niya para sa kanyang mga anak.

Nagsilaki sina Athena at Harvey na halos hindi niya nasusubaybayan, nagulat na lang ang aktor-pulitiko dahil halos magkasinglaki na pala ang size ng sapatos nila ni Bunso, napakabilis nga naman ng panahon.

Sa darating na buwan, sa pagpapalit ng upuan ng pamunuan ng Quezon City ay magkakaroon na siya nang sapat na oras para sa kanyang pamilya, babawi siya nang husto. Makikipaghabulan siya sa panahon.

Nakakalungkot nga naman ang dati nilang pagsasama-sama ng kanyang pamilya. Palagi siyang nagmamadali, kailangan siya sa munisipyo, gustuhin man niyang magtagal sa kanilang bonding ay napakaraming naghihintay sa kanya sa opisina.

Ngayon ay babawi si Mayor Herbert, may nakaplano na silang pagbiyahe ni Tates Gana at ng kanilang mga anak, hindi na rin siya uuwi agad pabalik ng Pilipinas dahil tambak ang mga pipirmahan niyang dokumento.

Ganu’n talaga. Kailangan nating magsakripisyo ng isang napakaimportanteng pangarap para mapunan ang pagkukulang sa ating pamilya.