Abante Tonite Interactive

Sikat na singer actor muntik sumabit sa mataas na nota

762

KUWENTONG-singer pa rin tayo ngayon. Tungkol naman ito sa isang sikat na male personality na umaarte at kumakanta.

Kung ang mga tunay na musikero ang tatanungin, lalo na ang mga composers at arrangers, ay diretso nilang sasabihin na limitado lang ang kapasidad ng sikat na singer-actor.

Nakakakanta lang siya, pero hindi maililinya sa magagaling talaga, hindi siya puwedeng ilaban nang sabayan sa mga pangmalakasang konsiyerto.

Kuwento ng aming source, “Totoong limited lang ang singing capacity niya, pati ang voice range niya, namimili lang siya ng piyesa. Hindi siya puwedeng bigyan ng song na may matataas na tono dahil siguradong sasabit siya!

“Puwede niyang gawin ang ganu’n sa recording, marami naman kasing nagagawang milagro sa ganu’n, pero ‘yung live niyang kakantahin ang song na may matataas na nota, hindi siya puwedeng pakawalan sa ganu’n!” unang komento ng aming impormante.

Sa mga shows sa ibang bansa ng mga personalidad ng kanilang istasyon ay poste ang male personality. Palagi siyang kasama dahil isa siya sa mga kinakikiligan ng mga kababayan natin.

“Sikat siya, pambenta siya ng mga shows, kaya palagi siyang starring, siyempre! Pero hindi siya puwedeng asahan sa matindihang laban! Pampa-cute lang ang mga ginagawa niya.

“Nu’ng minsan ngang nag-try siyang magpaka-singer, e, malapit na siyang sumabit! Ang taas-taas kasi ng tono ng song, pero nagmatapang siya! Natural, kinakabahan na ang mga kasamahan niya sa backstage!

“Paano na pagdating sa refrain? Paano niya ‘yun itatawid? Pero may naisip siyang paraan, pagdating sa matataas na tono, e, itinututok niya ang microphone sa audience!

“Talagang pinakakanta niya ang manonood, ‘Kayo naman!’ ang sigaw niya, kasi nga, e, hindi niya kayang abutin ang tono ng kinakanta niya!

“Tuwang-tuwa naman ang audience sa ginawa niya, niyayakap siya at hinahalikan, walang kaalam-alam ang mga utaw na kaya lang ginawa ‘yun ng kinakikiligan nilang idolo, e, dahil iniiwasan niya ang pagpiyok!

“Limitado lang talaga siya, pero naman, kahit hindi siya pangbiritan, e, kabog niya naman ang mga kasamahan niyang singers dahil siya ang pinagkakaguluhan at kinakikiligan!” humahalakhak na pagtatapos ng aming source na kinikilig din sa kanyang subject.

Gabby sinalo si KC

MADALING intindihin ang pagpo-post ni Gabby Concepcion ng mga makahulugan at makabuluhang mensahe na hindi man niya sabihin kung kanino niya ipinatutungkol ay madaling isipin na para ‘yun sa kanyang ex na si Sharon Cuneta.

May kabog sa dibdib ang mga mensahe ni Gabby sa kanyang social media account. Ang sabi niya ay iwasan daw ang mga taong hindi marunong mag-apologize. Iwasan din ang mga taong gustung-gustong gawin silang prayoridad pero hindi rin naman nila gagawin ang ganu’n sa iyo.

Pakaiwasan daw ang mga taong ginugulo lang ang isip mo, ang mga taong nang-iinis lang, hindi raw natin kailangan ang mga ganu’ng klase ng tao kaya iwasan na lang sila.

At meron pa siyang pahabol. Huwag daw tayong nagagalit kahit kanino kahit pa sobrang sinaktan na tayo ng taong ‘yun dahil ang ating lakas o energy ay lumilipat sa ating kinaiinisan.

Siguro’y nagbabasa ng libro ng sikat na banyagang TV host na si Oprah Winfrey si Gabby. Matindi ang palaging habilin ni Aling Oprah na huwag na huwag tayong magpapadala-tatanggap ng negativity lalo na sa umaga dahil babaguhin ng ngitngit ang energy natin sa buong maghapon.

Si Sharon Cuneta raw ang pinariringgan ni Gabby sa kanyang mga posts. Kinakampihan daw niya ang kanilang anak na si KC na may problema ngayon sa kanyang ina.

Sa halip daw na patayin ang sunog ay binubuhusan pa niya ng gas ang apoy para lalong magliyab. Ginagatungan pa raw niya si KC kesa sa pagpayuhan na makipagkita na sa gitna kay Sharon para matapos ang kanilang hidwaan.

Pero sino ba si Gabby Concepcion kay KC? Natural lang na damayan niya ang kanyang anak, sino ba ang unang-unang inaasahan nating sasalo kay KC sa pagkahulog, ang kanilang kapitbahay ba?