Abante Tonite Interactive

Sikat na singer ipinagdadamot ng mahaderang ina

By
0 657
tonite-no-thanks-cristy-fermin

Nakakaaliw ang kuwento ng mga balikbayang kaibigan ng aming kaibigan. Paminsan-minsan lang nakauuwi ang mga ito dahil sa kanilang trabaho sa ibang bansa na mahirap iwanan nang matagal dahil baka wala na silang balikan.

 

Sa pag-uwi nila ay nakasabay nila sa flight ang isang sikat na female performer. Aso lang ang hindi nakaka­kilala sa magaling na singer-performer dahil sa laki ng pangalang naitatak niya sa mapa ng mundo.

 

Sa airport pa lang sa Amerika ay tinangka na ng grupo na makapagpa-picture sa female personality. Okey raw naman ang sikat na performer, walang problema, pero may humaharang.

 

Kuwento ng aming kaibigan, “Tuwang-tuwa si­yempre sila nu’ng makita nila si ____(pangalan ng sikat na female performer). Sino ba naman ang hindi magkakagustong makatabi siya sa picture, icon na siya, malaking karangalan ‘yun, di ba?

 

“Okey naman sa kanya ‘yun, nakangiti pa nga niyang tinawag ang mga bata para makatabi niya sa picture, pero biglang humarang ang mommy niya. Huwag na raw, kailangan daw magpahinga ng anak niya, dahil in and out ang biyahe nila.

 

“Meaning, dumating sila sa Amerika that day, sa gabi ang performance niya, tapos, pauwi na rin sila the next day. Madali namang intindihin ‘yun, pero ilang minuto lang naman ang picture taking, di ba?

 

“‘Yun ba namang two minutes na gugugulin ng anak niya sa pagpaparetrato sa mga fan niya, ipagdadamot pa niya? Saka hindi raw magandang magsalita si mommy.

 

“Medyo may katarayan ‘yun, hindi request, kaya ano pa ba naman ang choice nila kundi ang lumayo na lang sa sikat na female performer.

 

“Pagdating nila dito, nag-try pa rin silang makapagpa-picture, pero humarang pa rin ang mommy ng idolo nila, kailangan na raw magpa­hinga ng anak niya.

 

“Hay, naku! Kadalasan talaga, e, okey lang ang mga sikat na personalities, pero ang nagiging nega, e, ang mga tao sa paligid nila!” napapailing na kuwento ng aming source.

 

Unang gagawin sa paglaya Bong dadalaw sa puntod ng ina

Sinusulat namin ang kolum na ito ay binabantayan namin ang magiging resulta ng promulgasyon ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder laban kay dating Senador Bong Revilla.

 

Apat na mahahabang taon ang kinailangan niyang ipamalagi sa PNP Custodial Center dahil sa bintang tungkol sa PDAF scam, nakalaya na si dating Senador Jinggoy Estrada sa bisa ng pagpipiyansa, si dating Senador Juan Ponce Enrile naman ay dahil sa edad nito.

 

Madaling-araw pa lang ay nagdatingan na ang mga tagasuporta ng pamilya Revilla sa tapat ng Sandiganbayan, kumpleto sila sa mga placards na ang hiling ay isa lang, kalayaan para sa mahal nilang aktor-pulitiko.

 

 

Nagbigay ng panayam si Mayor Lani Mercado nu’ng nasa PNP Custodial Center pa lang sila, nakatutunaw ang kanyang mga pahayag, halos hindi nito maibuka ang kanyang bibig dahil tinatalo ng emos­yon ang misis ng dating senador.

 

 

“Ipagpatuloy pa rin po natin ang pagdarasal dahil hindi pa natin alam kung ano ang mangyayari mamaya. Pero hindi n’yo po alam kung paano namin pinasasalamatan ang matinding suportang ibinibigay n’yo kay Senador Bong at sa aming pamilya.

 

“If and when favorable po para sa kanya ang desisyon, gusto niya munang magsimba kaming buong pamilya. Gusto niyang dumalaw sa puntod ni Mommy Azucena, gusto niyang makayakap agad si daddy (Ramon Revilla, Sr.), marami po siyang gustong gawin.

 

 

“Napakarami niyang na-miss na mahahalagang pangyayari sa buhay naming mag-anak. Ikinasal ang isang anak namin na wala siya, nag-graduate ang isang anak namin na hindi namin siya kasama. Napakarami po,” pahayag ni Mayor Lani Mercado.

 

 

At ito na nga ang isa sa pinakamaliligayang araw sa buhay ng dating senador at ng mga tunay na nagmamahal sa kanya. Maagang regalo ngayong Pasko ang tinanggap ni Senador Bong Revilla na ipinagbubunyi ng kanyang buong pamilya at mga tagasuporta.

 

Paborable sa kanya ang naging resulta ng imbestigasyong tumagal nang apat na taon, malaya na si dating Senador Bong Revilla, tuloy na tuloy ang kanyang laban sa darating na eleksiyon.

 

Isa lang ang madalas sabihin ni dating Senador Bong Revilla kapag nakakausap namin, “Wala nang mas hihigit pa sa bisa ng panalangin. Malaking suporta ang tinatanggap ng pamilya namin, mara­ming-maraming salamat sa mga hindi nagbago ng pagtingin at pagmamahal sa akin.”
Maligayang paglaya, mahal naming Bonggy!