Abante Tonite Interactive

Sikyo na inakusahan ng panggagahasa, napawalang-sala

375

EDISON REYES

Maaaring sa mata at paniwala ng mga awtoridad at maging ng tagausig at hukom ay nagkasala ang isang akusado sa kasong ibi­nibintang sa kanya su­balit hindi naman magiging makatarungan para sa isang nahaharap sa usapin kung kulang sa sustansya ang paggagawad ng kaparusahan.

Tulad ng kasong rape o panggagahasa, kadalasan ay higit na binibigyang timbang ang paha­yag at sinumpaang salaysay ng biktima lalo na’t pinagbabatayan dito ang mga naunang mga na­ging hatol sa mga inakusahan ng panghahalay.

Gayunman, kung ti­timbanging mabuti ang mga naunang pangyayari, may posibilidad na masilip ng mga ma­histrado ang pagkakamali ng mababang hukuman at maging ng Court of Appeals sa paggagawad ng mabigat na kaparusahan sa isang akusadong inakusahan ng pang­hahalay.

Isang halimbawa na rito ang naging desisyon ng Korte Suprema na inilabas noong Abril 5, 2017 na isinulat ni Associate Justice Lucas Bersamin laban sa isang akusado sa kasong panggagahasa sa isang dala­gang kasambahay na kanyang naging kasintahan.

Security guard sa isang gusali sa Sta. Ana, Manila noon si Carlito Claro at dahil sa matagal niyang pananatili sa lugar ay nakilala niya at naging kaibigan noong Enero 6, 2006 ang isang kasambahay na itinago lamang sa pangalang Rebecca na nagtatrabaho sa hindi kalayuan sa establisimyentong kanyang binabantayan.

Dahil kapwa nasa hustong gulang at parehong wala namang pa­nanagutan sa buhay, yumabong ang pagkakaibigan nina Claro at Rebecca at makaraan ang dalawang buwan ay natuklasan na lamang nila na kapwa na sila umiibig sa isa’t isa.

Noong Marso 6, 2006, inaya ni Claro si Rebecca na mag-date o lumabas sila upang higit pang lumalim ang relasyon nila at namnamin ang kanilang pagiging magkasintahan tulad ng ginagawa ng iba pang magsing-irog.

Gayunman, nang sumunod nilang paglabas noong Marso 14, 2006, inakusahan na ni Rebecca ng panghahalay ang kasintahan matapos na puwersahin umano siyang ipasok sa isang motel at sa kabila ng kanyang pagtutol ay naisakatuparan pa rin ni Claro ang panghahalay sa kanya.

Nadakip si Claro makaraang humingi ng tulong si Rebecca sa kanyang pinsang pulis na si Alberto German, na siyang gumawa ng paraan upang mahuli ang lalaki at siya rin ang perso­nal na nagdala sa akusado sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Isinailalim sa me­dical examination ni Dr. Wilfredo Tierra ng NBI me­dico-legal officer si Rebecca at nakita ang pagkapunit ng kanyang hymen na may bahid pa ng dugo, pati na ang pagkakaroon niya ng galos sa kaliwang dibdib at pasa sa kanang kamay.

Kinuhanan din si Rebecca ng kaukulang salaysay kaugnay sa mga pangyayari, pati na ang kanyang pinsang pulis na gagamitin bilang ebidensiya sa paghahain ng kaso sa Manila City Prosecutor’s Office.

Matapos masuri ng tagausig ang mga inilatag na mga ebidensiya ng NBI, pati na ang depensa ng akusadong si Claro, nakakita ng sapat na batayan ang piskalya upang isampa sa Manila Regional Trial Court (RTC) ang kasong rape laban sa akusado.