Abante Tonite Interactive

Sikyo na inakusahan ng panggagahasa, napawalang-sala

0 219

EDISON REYES

Ayon sa Korte Suprema, karaniwan ng hindi pinapaboran ang depensa ng isang akusado na magkasintahan sila ng biktima kaya’t may nangyari sa kanilang pagniniig lalo na’t walang malakas na testigong magpapatotoo nito.

Ibinatay ng mga mahis­trado sa mga nakaraang desisyon na hindi katuwiran ang pagkakaroon ng relasyon ng magkasintahan upang akusahan ng babae ang lalaki ng panggagahasa lalo na’t ginamitan ito ng puwersa sa kabila ng pagtutol ng kanyang kasintahan.

Abante Hiring – IT dep

Hindi rin maikakaila na ang pagpapahalaga at paninimbang ng mababang hukuman sa kredi­bilidad ng mga testigo sa usapin ay binibigyan ng kaukulang respeto ng mga mahistrado ng Mataas­ na Hukuman lalo na’t ang hukom na dumidinig sa kaso ang perso­nal na nakapagmasid sa kanilang ugali at kilos na dahilan upang tukuyin­ kung nagsasalita ang mga ito ng totoo o naglulubid lamang ng kuwento.

Dugtong pa ng Korte Suprema, ang pagkatig ng Court of Appeals sa nagi­ng desisyon ng mababang hukuman ay tunay na mabisa sa pana­naw ng mga mahistrado kaya’t napakadali lamang para sa kanila na pagtibayin ang hatol laban sa akusado lalo na’t kapwa nagsalita ang RTC at CA na mas may kredi­bilidad ang testimonya ni Rebecca kumpara sa depensa ng akusado.

Gayunman, hindi makatarungan na kaagad nilang ibasura ang depensa ng akusado na “consensual sexual intercourse” o ang pagkakasundo nilang isagawa ang pagniniig nang walang naganap na pamumuwersa.