Abante Tonite Interactive

Sikyo na inakusahan ng panggagahasa, napawalang-sala

328

EDISON REYES

Ayon sa Korte Suprema, Una na rito’y kapwa nasa hustong edad na ang biktima at ang akusado kaya’t may kakayahan na silang magdesisyon kung nararapat na nilang isagawa ang kanilang pagniniig o sexual intercourse bilang magkasintahan.

Naobserbahan din ng Korte Suprema na ang pagkakasundo ng dalawa na magkita at lumabas bilang magkasinta­han, pati na ang pagsakay nila kapwa sa isang pampasaherong jeep at pagtungo sa isang restaurant upang umorder ng pagkain bago naglakad patungo sa motel kung saan sila nagkaroon ng sexua­l intercourse o pagniniig ay walang duda na kapwa nila ginusto.

Sa kabila ng pahayag ng dalaga na hinablot ang kanyang braso at hinila paakyat sa motel, walang ebidensiya na magpapatunay na nanlaban at tumanggi siyang pumasok sa loob ng motel lalo na’t magkasabay sila sa pagtungo rito at ginabayan pa ng sumalubong sa kanilang room boy.

Sabi ng mga mahistrado, isa itong malinaw na pruweba na may basbas din si Rebecca sa nangyari sa kanila ni Claro.

Sinuri rin ng Korte Suprema ang obserbasyon ng CA hinggil sa nakitang galos at pasa ng biktima sa kanyang kaliwang dibdib at braso na patunay umanong nagkaroon ng pamumuwersa at panla­laban habang isinasagawa ang panghahalay.
Ayon sa mga mahistrado, bagama’t may nakitang galos at pasa ang doktor na sumuri sa biktima, hindi ito nanga­ngahulugan na gumamit na ng dahas ang akusado upang isagawa ang panghahalay sa biktima.

Isang pahayag na pahapyaw o “sweeping statement” lamang ang obserbasyon dito ng CA at pagbalewala sa posibleng pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng da­lawa upang isagawa ang pagniniig.

Ang pagkakaroon ng galos at pasa, ayon pa sa Korte Suprema, ng isang babae o lalaki habang nakikipagtalik ay posible ring nakukuha sa boluntar­yong pagpayag nila sa isa’t isa na isakatuparan ang makamundong hangarin.

Batay pa sa pahayag ng mga mahistrado, sa bawa’t kasong kriminal na idinudulog sa hukuman, ang bawa’t akusado ay may karapatan na mapawalang sala maliban na lang kung ang kanyang ginawang krimen ay mapapatunayang ng walang paga-alinla­ngan o pagdududa batay sa mga inilatag na ebidensiya ng tagausig.

Dahil dito, ang mga naunang desisyon ng Manila Regional Trial Court at ng Court of Appeals na nagpapataw ng parusang reclusion perpetua laban sa akusadong si Carlito Claro ay binaligtad at isinaisantabi ng Mataas na Hukuman sa kanilang inilabas na promulgasyon noong Abril 5, 2017 dahil sa kabiguang patunayan na nagkasala ang akusado ng walang pag-aalinlangan.

Iniutos din ng Mataas na Hukuman ang pagpapalaya mula sa pagkakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa city ng akusado, maliban na lamang kung may iba pa siyang kasong kriminal na kinakaharap.

Ang kasong panggagahasa na isinampa laban kay Claro ay isa lamang sa napakaraming usaping nakabinbin sa Mataas na Hukuman na masusing sinusuri ng mga mahistrado upang alamin kung nararapat nga bang mapatawan ng pinaka­mabigat na parusa ang nasasakdal.

Bagama’t bihira lamang ang nakakalusot o napapawalang sala sa mga isinasampang kaso ng panggagahasa lalo na’t mahirap para sa mga hukom at mahistrado na balewalain ang binitiwang salaysay ng biktima at paglantad niya sa publiko upang isa-isang himayin ang masaklap na sinapit sa kamay ng akusado, may pagkakataon na nakakasilip ng pagkakamali ang Mataas na Hukuman sa naging desisyon maging ng Court of Appeals tulad na lamang ng kaso ni Claro.

Gayunman, higit pa ring marami ang napapatunayang nagkasala sa kasong panggagahasa ng walang pag-aalinlangan lalo na’t karamihan sa mga inaakusahan ay nahuhumaling sa iligal na droga.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo, walang krimen na hindi pinagbabayaran.