Abante Tonite Interactive

Sila pa rin ang hari ng kalsada

By
1,149

Sa ginawang pagkansela ng Malacañang sa klase kahapon bunsod ng isinagawang tigil-pasada ng mga tsuper ng jeep, napatunayan lang na sila pa rin ang hari ng kalsada matapos maparalisa ang malaking bahagi ng Metro Manila. Napatunayan din na hindi pa handa ang gobyerno sa pagwalis sa mga luma at mausok na jeep.

Maganda naman ang layunin ng pamahalaan na maisakatuparan ang modernisasyon sa pampublikong transportas­yon. Nagawa na nila ito sa mga taxi at UV Express nang ipagbawal ang mga lumang sasakyan. Kung hindi tayo nagkakamali ay hanggang sa sampung taon lang ang buhay ng taxi at kailangan na itong palitan at marami naman ang sumunod sa patakaran na ito ng Land Transportation Franchi­sing and Regulatory Board (LTFRB).

Pero iba ang sitwasyon sa mga pampasaherong jeep, itinuturing na hari ng kalsada sa matagal na panahon. Marami diyan ang patuloy na pumapasada kahit na 15 hanggang 25 taon na itong tumatakbo sa kalye, kumbaga ay parang nasa hukay na ang iyong isang paa kapag nasakyan mo ang mga ito.

Kailangan na talaga silang tanggalin sa kalye. Pero ang hindi matanggap ng mga tsuper, ang iniaalok na bagong unit ng jeep eh mas mahal pa sa presyo ng Toyota Vios na kalimitang ginagawang taxi. Ang presyo ng ‘Superman’ at ‘Batman’, termino ng mga taxi driver sa bagong model ng Vios, lagpas lang ng kalahating mil­yong piso. Pero ang presyo ng sinasabing electronic jeepney o Euro-4 engine-powered jeepney, pumapalo sa P1.4 hanggang P1.6 mil­yon.

Sino ba namang driver ang matutuwa sa inaalok na loan package ng Department of Transportation (DOTr)? Kaya itong mga driver, labis ang galit kay Secretary Arthur Tugade dahil ninenegosyo lang daw ang jeepney modernization program.

Related Posts

Pero dahil sa manhid na si Tugade, tulad ng pagbabalewala niya sa kalbaryo ng mananakay sa MRT-3 at sa grabeng trapik sa EDSA at iba pang pangunahing kalsada, hindi titiklop ang kalihim kahit na sangkaterbang transport strike ang gawin ng mga tsuper dahil buo na ang kanyang desisyon na ipagpatuloy ang modernization prog­ram. Abangan na lang natin ang susunod na kabanata sa labanang ito.

***
Ano kaya ang pakiramdam ngayon ni House Speaker Pantaleon Alvarez nang supalpalin ng Malacañang ang isinusulong niyang divorce bill. Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tutol daw si Pangulong Duterte sa panukala dahil magiging kawawa ang mga anak sa paghihiwalay ng mag-asawa.

Humihina na ba ang kapit ni Alvarez sa Pa­ngulo? Resulta ba ito ng ginawa niyang pagyayabang na kaya niyang ipa-impeach ang Pangulo noong ibuking ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte ang pananaksak sa likod ng Speaker?

Unang-una, nagsasa­yang lang talaga ng oras si Alvarez dahil kahit na makalusot sa Kamara ang panukala, hindi naman ito papatulan ng magagaling na senador tulad nina Francis Escudero, Win Gatchalian, Joel Villa­nueva, Ping Lacson, Tito Sotto, Migz Zubiri, Sonny Angara, Ralph Recto at Grace Poe.

At kahit hiwalay na si Senate President Koko Pimentel sa una niyang asawang ex-Miss Bini­bining Pilipinas, hindi rin naman siguro ito papayag na maisabatas ang divorce bill.