Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Silang mga bayani sa panahon ng kalamidad

0 86

Sunod-sunod ang bagyo na dumating sa bansa nitong nakalipas na tatlong linggo at nagdulot ng malaking pinsala sa mga mga lugar na sinalanta at sinagasa ng mga ito.

Mula sa lalawigan ng Quezon, Bicol at Catanduanes, hindi rin pinalagpas ng mapapinsalang mga bagyo ang Marikina City, Montalban sa Rizal at lalawigan ng Isabela at Cagayan .

Kalunos-lunos na mga kuhang larawan at video footages ang umiikot sa social media at bawat isa ay may sariling kuwento na dumurog sa puso ng publiko.

Halos iisa ang kilos ng mayorya ng mga Pilipino para matulungan ang mga nasalanta ng bagyo, maliit man o malaki basta ang mahalaga ay maiparamdam sa mga biktima ang pagtulong at pagdamay na likas na katangian ng mga Pinoy.

Pati mga ahensiya ng gobyerno ay walang patid sa pagkilos at lahat ay nakatutok sa pagtulong at pag-alalay sa mga biktima .

Pero dahil sa pagiging abala ng lahat ay tila nakalimutang pasalamatan ang mga tunay na bayani na tahimik na nagtatrabaho at tumutulong sa mga panahon ng kalamidad.

Sila ang mga unang kumikilos at nagreresponde para saklolohan at iligtas ang mga mamamayang nasa gitna ng kagipitan at nasa alanganin ang buhay; at sila ang agad na kumikilos para ibalik sa normal ang sitwasyon.

Oo nga’t ito talaga ang tungkulin nila at papel sa mga panahon ng kalamidad o sakuna, pero hindi gaanong napapagtuunan ang kanilang sakripisyo para sa mamamayan.

Nito lamang weekend, ilang frontliners ang nagbuwis ng buhay dahil sa pagliligtas sa buhay ng mga biktima ng kalamidad.

Isa na rito si Henry Kelly Villarao, kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 na nakuryente habang nagsasagawa ang kanilang grupo ng rescue operations sa mga residenteng na-trap ng malawakang pagbaha sa isang barangay sa Tuguegarao City, Cagayan.

Natabunan naman ng gumuhong lupa ang mga kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang nagsasagawa ng magkahiwalay na clearing operations sa Nueva Vizcaya at Banaue , Ifugao.

Kabilang dito sina Engineer John Mutog Limoh, Engineer Julius Binohlan Gulayan Jr., driver na si Joel Ballag Chur-ig at laborer na si Johhny Duccog.

Inialay ng mga ito ang kanilang buhay kapalit ng pagtiyak sa kaligtasan ng kapwa na nasa gitna ng kagipitan.

Walang maingay na coverage, walang mahaba at espesyal na seremonya sa mga ito bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at serbisyo para sa kaligtasan at kapakanan ng kapwa Pilipino.

Sana lang huwag agad silang mabura sa isipan ng mga taong pinag-alayan ng kanilang buhay at mapabilang sa marami ng mga limot na bayani.

Leave A Reply

Your email address will not be published.