Abante Tonite Interactive

Silang mga pasaway sa ASEAN Summit

By
10

Naging abala ang lahat sa katatapos na ­Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at sari-saring kuwento at mga ulat ang nasaksihan ng publiko hindi lamang sa bansa kundi sa buong daigdig.

Ang Pilipinas ang naging sentro ng atensiyon ng buong daigdig nitong nakalipas na ilang araw dahil dumating sa bansa ang mga state leaders sa Asya, Southeast Asia at maging ang mga makapangyarihang bansa tulad ng Amerika, China at Russia.

Sa kabuuan ay naging maayos at matagumpay ang pagdaraos ng pandaigdigang pagpupulong dahil na rin sa maayos na paghahanda ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pagbabantay sa seguridad ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pero wala talagang perpektong okasyon dahil na rin sa mga Filipino na naging pasaway sa panahon ng ASEAN at ang iba naman ay nagpapansin para siguro makakuha ng international exposure.

Unahin natin ang ­unang pasaway sa katauhan ng aktres at da­ting Binibining Pilipinas Universe 1982 na si Maria Isabel Lopez na kinainisan at kinuyog ng mga negatibong komento sa social media dahil sa pagpasok sa ASEAN lane na inilaan para sa mga dignitaries na dadalo sa ASEAN Summit.

Hindi na nga pinansin ni Lopez ang traffic sign, sinuway pa nito ang security protocol at ipi­nagyabang sa kanyang Facebook account ang video nito habang nagmamaneho sa ASEAN lane na tila ba sinapian ng sampung demonyo at tuwang-tuwa sa ginawa nito.

Matandang walang pinagkatandaan at nga­yong namemeligrong maalisan ng lisensiya ay tila nahimasmasan at humihingi ng konsiderasyon para sa isang senior citizen na tulad niya. “Hoy Isabel, huwag mong gawing dahilan ang pagiging senior citi­zen mo dahil insulto ito sa ibang senior citizens na sumusunod sa batas!”

Ikalawang pasaway: Ang mga alipores ni Renato Reyes ng grupong Bagong Alyansang Maka­bayan o Bayan.

Ilang dekada ka na sa ganyang ginagawa mo, pero wala ka ring kadala-dala kahit ilang beses nang makaranas ng mga pukpukan at basagan ng mukha. Sabagay, hindi ka naman nagagalusan dahil ang ipinapasubo mo ay ang mga hinakot mong mga raliyista at ikaw ay mabilis na nakakatalilis at “galos free” palagi.

Pero kawawa ang mga pulis na binabato at kinukuyog ng mga rali­yista dahil sila pa ang lalabas na may kasalanan kapag nagkasakitan. Nasaan ang hustisya dito? Gusto ng mga kampon ni Reyes, sila lang ang tama. Magbasa ka ng mga komento sa social media, Renato, para malaman mo kung gaano ka kinaiinisan ng mga Filipino.

Ikatlong pasaway na ayaw kong panga­lanan ay ang blogger na nang-agaw-eksena sa ASEAN Summit at tila bratinelang su­mita ng reporter ng Bri­tish Broadcasting Corporation (BBC) kung bakit hindi siya ini-interview at mas pinaboran ang isang blogger na kaaway niya. Neng, makinig ka: “Ayaw nila sa iyo dahil mayabang ka diumano at akala mo kung sino kang langaw na nakatuntong sa kalabaw!” Keber!