Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Silipin ang tuition sa K-12 program

0 91

Dahil nag-umpisa na mga tropapips ang enrolment para sa darating na pasukan, may mga tropapips tayo na tutungtong ang mga anak sa junior high school at napanganga nang malaman kung gaano kamahal ang tuition.

Pero bago ‘yan, magbigay-pugaw tayo sa pumanaw na dating Pangulong Fidel V. Ramos, na kilala sa mga tawag na Tabako, FVR, at Steady Eddie; ang naging lider ng bansa mula 1992 hanggang 1998.

Isa siguro si FVR sa masasabing makulay ang kuwento ng buhay bilang presidente. Biruin mong kumalas siya sa kamag-anak niyang si dating Ferdinand Marcos Sr., na isa sa mga dahilan ng EDSA People Power Revolt noong 1986.

Bukod sa pagiging presidente, legit na sundalo si FVR na kabilang sa mga napasabak sa Korea at Vietnam. Nang maging presidente kasunod ng namayapa na ring si dating Pangulong Cory Aquino, marami rin siyang hinarap at niresolbang problema ng bansa.

Dahil sa masasabi nating mas marami naman siyang nagawang maganda, natabunan ang ilang kontrobersiyang nangyari sa kaniyang administrasyon. Kung ano-ano ang mga iyon, i-Google niyo na lang at baka magmukha tayong “marites” kung pag-uusapan pa natin dito.

Isa pa, ugali ng mga Pinoy na ang magagandang nagawa ng tao ang pinag-uusapan kapag pumanaw. At dahil marami namang nagawang maganda si FVR, marami ang napag-uusapan.

Kaya tanong ng mga kurimaw nating ayudanatics, papaano daw kung konti lang ang ambag sa bansa ng isang lider? Aba’y malamang na maisama ang mga kapalpakan niya para humaba ang kaniyang istorya sa Obit.
Pag-usapan na natin ang K-12 program na hindi inakala ng ilang tropapips natin na may mga anak na magiging junior high kung gaano kamahal ang tuition.

Dahil “high school” pa rin naman na maituturing ang Grade 11 at 12, napa-what! ang ilang tropapips natin nang maghanap sila ng paaralan na mapapasukan ng kanilang mga anak. Hindi nila akalain na may mga paaralan, campus, o unibersidad na pang-“college” na ang tuition para lang sa junior high.

Batay sa kuwento ng mga tropapips natin, naglalaro ang tuition ng mga napagtanungan nila ng mula P30,000 hanggang P70,000. Kaya kahit daw na mayroong kaltas sa tuition sa pamamagitan government “voucher” na nasa P18,000, aba’y madugo pa rin. Ang laki siguro ng matitipid ng gobyerno kapag nawala ang junior at senior high.

Dahil sa mahal na tuition kaya raw siguro may mga unibersidad na laway na laway na huwag mawala ang K-12. Aba’y, tiba-tiba nga naman sila sa kita. Kung dati ay 4-year course lang ang babayaran ng college students, ngayon eh may ekstra pa silang 2 years na junior at senior high.

Dapat sigurong isama sa gagawing pagrepaso ng Department of Education at maging ng Senado o Kamara, ang usapin sa tuition ng junior at senior high na baka inaabuso ng “ibang” paaralan.

Hindi kataka-taka kung lumabas man sa bagong survey ng Pulse Asia na dumami ang Pinoy na hindi happy sa K-12 program. Batay daw kasi sa survey na ipinagawa ni Sen. Win Gatchalian, mula sa dating 28 percent na ayaw sa K-12 noong September 2019, aba’y lumobo ito sa 44 percent sa June 2022. Habang 39 percent ang okey lang sa K-12.

Kung paniniwalaan din ang sinasabi sa isang pag-aaral na 20 porsiyento lang ang nakakapagtrabaho matapos ang senior high, habang tuloy sa kolehiyo ang 70 porsiyento, makikita na maraming magulang talaga ang nadadagdagan ang gastos sa pag-aaral ng anak, at dagdag na kita naman sa mga paaralan. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.